Filtered By: Topstories
News

Suporta ng Bicol region kay Escudero nalagasan dahil kay Villar


MANILA – Matapos panumpain ang 300 lokal na lider sa lalawigan ng Cavite na may pinakamalaking populasyon sa mga lalawigan, isa namang grupo ng mga lokal na lider sa Bicol region ang kumalas sa administrasyon at lumipat sa Nacionalista Party na pinamumunuan ni Sen Manny Villar. Kasama sa mahigit na 300 lokal na lider ng Bicol region na nanumpa sa NP ay dalawang bise gobernador, 13 alkalde, at 12 bise alkalde. Isinagawa ang kanilang paglipat ng partido sa Pepperland Hotel sa Legaspi City. Sa pagsanib ng mga lokal na lider sa NP, sinabi ni Villar, kakandidatong pangulo sa 2010 elections, lalong lumakas ang puwersa ng oposisyon sa Bicol region na pinapaniwalaang balwarte ni Sen Francis Escudero na dating kongresista ng Sorsogon. “Lubos po tayong nasisiyahan sa hindi matatawarang suporta ng mga Bicolano na patuloy na nagpapamalas ng nagkakaisang oposisyon sa paggamit ng kanilang karapatan sa pagboto," ayon kay Villar. Una rito, napasok ni Villar ang Cavite na balwarte ni Sen Panfilo Lacson matapos manumpa sa NP noong Miyerkules ang 300 lokal na lider na kinabibilangan ng 13 sa 23 alkalde ng lalawigan. Naging saksi sa panunumpa ng mga lider sa Bicol sina Sen. Pia Cayetano at dating Cavite Rep. Gilbert Remulla, Laguna Rep. Rimpy Bondoc, at Atty. Adel Tamano. Nauna nang nanumpa noong Marso ang unang grupo ng mga lokal na lider sa rehiyon na kinabibilangan ng 220 lokal na lider. “Nakapag-organisa ang Bicol ng isang makinaryang pang-rehiyon para sa kay Sen. Manny Villar. Magpapatakbo kami ng kandidato sa lahat ng munisipyo at lungsod," ayon kay Albay Rep. Al Francis Bicharra (2nd district). Kabilang sa sumanib sa NP ay sina Sorsogon Mayor Juan Gusayco, presidente ng liga ng mga alkalde sa lalawigan, at Sorsogon Vice Gov. Renato Laurinaria, na tatakbong alkalde sa bayan ng Castilla. Nagpahayag din ng suporta kay Villar si San Andres, Catanduanes Mayor Leo Mendoza, Mayors League president, kasama ang pitong incumbent mayors ng lalawigan. May anim na lalawigan ang Bicol Region na kinabibilangan ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at Sorsogon. Kilala ang rehiyon bilang balwarte ng oposisyon tuwang eleksyon. Nanguna sa The Center Samantala, nanguna naman si Villar sa special survey na ginawa ng The Center mga pangunahing lunsod ng Baguio, Metro Manila, Cebu, Iloilo, Cagayan de Oro, Davao, General Santos at Zamboanga na ginawa mula Setyembre 3-6. Sa listahan ng walong maglalabang presidentiables sa May 2010, nakakuha si Villar ng pinakamataas na rating na 26 percent sa may 400 respondents. Pumangalawa naman si Sen Francis Escudero na may 18 percent, kasunod sina dating Pangulong Joseph Estrada (16 %), Sen Aquino (15%), at Vice President Noli de Castro (10%). Ang napiling pambato ng administrasyon na si Defense Sec Gilbert Teodoro ay nakakuha lang ng 2 percent. Para sa 12-way contest o 12 posibleng maglaban sa panguluhan, nanguna pa rin si Villar na may 23 percent, habang kasunod si Escudero (17%), Estrada (15%), De Castro (13%) at pang-lima lang si Aquino (11%). Sumungkit naman ng one percent si Teodoro. Ang resulta ng The Center ay malayo sa ipinalabas na survey ng kampo ni Aquino na ginawa umano ng SWS noong Setyembre 5-6 sa ilang piling lugar lamang sa Luzon kung saan nakakuha ng 50 percent si Aquino. Samantalang ang dating nanguna sa nationwide survey ng SWS na si Villar ay nasa malayong pangalawa na may 14 percent, kasunod sina Estrada (13%), at Escudero (12%). - GMANews.TV