Filtered By: Topstories
News

Noli 'di hihingi ng paumanhin sa mga demonstrador na tinawag na 'KSP'


MANILA: Nanindigan si Vice President Noli de Castro na hindi siya hihingi ng paumanhin sa grupo ng mga demonstrador na tinawag niyang “KSP" o kulang sa pansin. “Bakit ako magso-sorry? Sila ang dapat mag-sorry," pahayag ni De Castro nitong Sabado sa kanyang programa sa radyo na Para Sa’Yo Bayan. Iginiit ng pangalawang pangulo na siya ang binastos ng mga demonstrador habang nagsasalita sa isang pagtitipon sa Los Banos, Laguna noong Huwebes. “Dapat sila ang mag-sorry dahil binastos nila ako. Nag-drive ako ng 2.5 hours para pumunta sa Los Baños then pagdating ko doon, babastusin nila ako," depensa ni De Castro. Mamamahagi sana si De Castro ng mga titulo ng lupa sa Laguna nang biglang sumulpot ang maliit na grupo ng mga demonstrador na miyembro ng Kalipunang Damayan ng Mahihirap (Kadamay). Kinastigo ng Kadamay ang ginagawang rehabilitasyon sa riles ng tren mula Calamba, Laguna hanggang Legaspi City sa Albay na magiging dahilan para mapaalis sa gilid ng riles ang libu-libong pamilya. Sakabila ng ingay ng mga nagprotesta, nagpahayag si De Castro ng: “Sana nilapitan na lang ako. Baka kulang lang … KSP… kulang sa pansin." Abusado Kasunod nito, kinastigo ni De Castro ang mga maralitang naging benepisaryo ng murang pabahay ng pamahalaan na hindi umano nagbabayad ng kanilang obligasyon at inaabuso ang programa ng gobyerno. Nang tanungin ng media si De Castri kung ano ang posibleng dahilan kung bakit hindi nakababayad ang mga benepisaryo, sagot niya: “Baka mga tamad sila. Sabihin n’yo sa kanila, mga tamad sila. Hindi sila puwedeng hindi magbabayad. Sisingilin ko sila. Paaalisin ko kapag hindi nagbayad kahit sino pa kayo." Sa kanyang programa sa radyo, sinabi ng opisyal na dapat humingi ng paumanhin sa kanya ang grupong Kadamay hindi dahil siya ang pangalawang pangulo kundi dahil sa pagbastos sa kanyang pagkatao.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nagbabala pa ito na hindi tatantanan ang mga mang-aabuso sa programang pabahay ng pamahalaan. “Wala ho akong igagalang sa inyo kapag kayo ay umaabuso sa programa ng gobyerno," aniya. “Habang nasa gobyerno ako o kahit wala na ako sa gobyerno ang umaabuso sa programa ng gobyerno ay hindi po makakaligtas sa akin." Iginiit naman ni Bea Arellano, tagapagsalita ng Kadamay, na hindi tamad ang mga maralita kundi walang trabahong makuha. “Hindi kami nagpapansin kundi kailangan lang naming isiwalat ang aming nararamdaman at ang aming kaapihan. Hindi tamad ang mga tao," ayon kay Arellano. Hindi rin umano nila susuportahan si De Castro kapag kumandidato sa mas mataas na posisyon sa 2010 elections. “Totoo bang kabayan iyan? Kontra makabayan iyan … Wala iyang maasahan at ikakampanya naming iyan," ayon sa militanteng lider. Sumali rin sa pagbatikos kay De Castro ang grupo ng mga manggagawa na Kilusang Mayo Uno (KMU). "Capitalizing on being a popular TV anchor before, he started out his political career by projecting himself as the voice of the people, 'boses ng bayan.' He then went on to become the voice of the Arroyo regime. Now, this. It seems working for the anti-poor Arroyo regime, with the likes of demolition king Bayani Fernando, for nine years, has finally rubbed off on him. He is destroying what little electoral chances he still has," pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. - GMANews.TV
Tags: nolidecastro