Filtered By: Topstories
News

Panukalang batas sa text tax sa Kamara ibinitin


MANILA – Dahil sa dami ng reklamo, nagdesisyon ang komite sa Kamara de Representantes na ipagpaliban ang pag-apruba sa panukalang batas na buwisan ang paggamit ng cellular phone. Sa pagdinig nitong Martes ng House committee on ways and means na pinamunuan ni Antique Rep. Exequiel Javier, inaprubahan ang mosyon ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na ipagpaliban ang pag-apruba ng panukala sa tax on text at magkaroon pa ng mga pagdinig. Nakasaad sa panukala na inihain nina Quezon Rep. Danilo Suarez at Ilocos Sur Rep. Eric Singson na singiling ng limang sentimos ang bawat text message at iba pang serbisyo sa paggamit ng mobile phone. Sinabi naman ni Javier na dapat magkaroon pa ng mga pagdinig dahil sa reklamo ng ibang grupo na hindi sila nakonsulta sa pagkonsidera ng panukala. Sa kabila nito, pupulungin niya ang mga kasapi ng komite para makabuo ng hakbang na magbibigay katiyakan na hindi ipapasa ng mga telecommunication companies sa kanilang subscribers ang ipapataw ng buwis. Nadismaya naman si Suarez sa pagkakaharang sa pag-apruba ng panukala na malaki umano ang maitutulong sa sektor ng edukasyon sa bansa.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Iginiit ni Suarez na mapupunta sa mga proyekto at programa para sa edukasyon ang bilyong-bilyong kikitain sa limang sentimong buwis paggamit ng mobile phone. Hinamon din niya ang liderato ni Speaker Prospero Nograles na manindigan at suportahan ang pag-apruba sa panukala para sa ikauunlad ng sektor ng edukasyon. Sa naturang pagdinig, sinabi ni Rodolfo Salalima, chief legal counsel ng Globe Telecommunications, na magkakaroon ng seryosong usaping legal sa Konstitusyon kapag pinagbawalan ang mga telcos na ipasa sa publiko ang sisingiling excise tax sa kanilang serbisyo. "The general law of the land is to the effect that all taxes except income tax are passable to the public," ayon kay Salalima. “The (bill is the) worst anti-consumer legislation ever produced by Congress." Iginiit naman ni Antony Ian Cruz, pinuno ng TXTPower, na ang panukalang ay naglalayong buwis talaga ang mga konsumer at hindi ang mga kumpanya. Nagpahayag din ng pagtutol sa panukala si Vicente Gambito, vice-president ng Cellphone Owners and Users of the Philippines, Inc., na tinawag niyang “discriminatory" lalo na sa mga overseas Filipino workers (OFWs). - GMANews.TV