Filtered By: Topstories
News

Ika-9 na sinag ng araw sa RP flag pasado sa Senate-House panel


MANILA – Lumaki ang posibilidad na madadagdagan ang sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas matapos aprubahan ng joint committee ng Senado at Kamara de Representantes ang panukalang batas para sa gagawing pagbabago sa bandila. Sa panayam ng GMANews.TV nitong Huwebes, sinabi ni Senador Richard Gordon, na inaprubahan ng bicameral conference committee nitong Martes ang pinagsamang bersyon ng mga panukala ng Senado at Kamara upang gawing siyam ang sinag ng araw sa watawat mula sa kasalukuyang walo. Layunin ng panukala na amyendahan Republic Act No. 849 na mas kilala bilang, “An Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms and Other Heraldic Items and Devices of the Philippines." Ayon kay Gordon, pangunahing may akda ng bersiyon ng panukala sa Senado, ang ika-siyam na sinag ng araw ay magiging simbulo ng katapangan at integridad ng mga Pinoy na Muslim na kasamang nakipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas. Hindi ito ang unang pagkakataon na may nagmungkahi na dagdagan ng isa pa ang sinag ng araw sa watawat ng bansa. Noong 1970s, ihain ni Lanao del Sur Rep. Sultan Omar Dianalan ang House Bill 7725 upang gawing siyam ang sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas. Ang dagdag na sinag ay kakatawan umano sa Muslim at mga katutubo na kasamang nakibaka laban sa mga dayuhang mananakop. (Pinoy Trivia: Sinag sa bandila) Sinabi ni Gordon na tutol ang National Historical Institute sa kanyang mungkahi. Ang walong sinag ng araw sa watawat ay kumakatawan sa mga lalawigan na unang nag-aklas laban sa mga mananakop na Kastila na binubuo ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Manila, Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac. Samantala, ang tatlong tala sa watawat ay kumakatawan sa tatlong rehiyon na Luzon, Visayas, at Mindanao. “I don’t care what they think about it. Once it is signed, they should follow the law," ayon kay Gordon. “We are a country that has had a conflict with our Muslim brothers for the last so many decades. I think this is a big step towards reuniting our country, recognizing the contributions of our fellow countrymen, the Filipino Muslims. We should recognize their deeds in our country," idinagdag niya. Bukod kay Gordon, kasapi ng joint Senate-House panel sa bicameral committee sona Sen. Juan Miguel Zubiri, at Reps Del De Guzman (Marikina), pinuno ng House contingent, at mga miyembro na sina Ma. Carissa Coscoluella (party-list Buhay), Salvador Escudero III (Sorsogon), at Roman Romulo (Pasig). - GMANews.TV