Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Mark Herras is willing to wait for Ynna Asistio


Bukod kay Nadia Montenegro na ina ng debutanteng si Ynna Asistio, aligaga rin ang sinasabing masugid na manliligaw ng dalaga na si Mark Herras. Kapansin-pansin na laging kadikit ng dalagang aktres ang kanyang escort na aktor sa buong gabi ng kanyang 18th birthday celebration noong Biyernes (Sept 25), sa Tektite auditorium sa Ortigas Center, Pasig City. Habang naghihintay ng pagsisimula ng debut party, sandaling kinapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at Startalk ang binata tungkol sa kanyang umano’y panliligaw kay Ynna. Para kay Mark, mas mainam na raw ang mahigit dalawang taon niyang paghihintay para kay Ynna dahil nagkaroon siya ng sapat na panahon para makilala nila ang isa’t-isa. Dagdag niya, "If ever dumating yung time na 'ito na nga,' at least, di ba? I mean, kasi mas naging okay pala na dapat makikilala mo muna ng husto yung isang tao, di ba? So, if ever dumating na doon sa point na okay na, wala ng problema, malinis na lahat, wala na kayong dapat alamin, kung anu-ano, di ba, parang lahat malinaw na." Binanggit naman ng PEP sa kanya ang naunang sinabi ni Ynna na hindi dahil 18 (years old) na siya ay ibig sabihin puwede na siyang pumasok sa isang romantic relationship. Hindi naman ito inalintana ni Mark, at sinabing walang problema kung sakaling kailangan pa niyang maghintay ng mas matagal pa. Patuloy pa ni Mark: "Katulad nga ng sabi ko, wala namang nagmamadali e. Wala namang may lakad, wala naman kailangan madaliin sa mga bagay-bagay. Kung anuman, di ba, siguro sa right time. Sa ngayon, yun nga, ine-enjoy namin yung company ng isa't isa and, siyempre, yung company nga nila Tita Nads and yung family niya." Sa kanyang panunuyo kay Ynna, naging malapit na rin siya sa pamilya ng dalaga. "Naging close kami ni Ynna because nga dun sa naging relationship namin nila Tita Nads, very casual, di ba? Pumunta ako sa bahay nila kahit wala si Ynna, di ba? I mean, kahit kakuwentuhan ko lang si Tita Nads, ganun, siguro ganun lang yung medyo kakaiba," paliwanag ni Mark. Nabanggit din Mark na maayos din naman ang kanyang relasyon sa ama ni Ynna, ang dating alkalde ng Kalookan na si Macario "Boy" Asistio. Sa paglalarawan ni Mark, "Okay naman kami ni Tito Boy. Hindi naman yung naiilang ako ‘pag nandiyan si Tito Boy, so okay na rin. Okay na rin, kilala na rin ako ni Tito Boy, so far so good naman yung nangyayari." - Nerisa Almo, PEP