Filtered By: Topstories
News

Barbers lumipat sa NP; Guingona III kakalas


MANILA – Lumipat na sa Nacionalista Party (NP) ni Senador Manny Villar si Surigao del Norte Governor Robert Ace Barbers, habang nakatakdang kumalas sa partido si Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III para lumipat sa Liberal Party (LP). Sa text message nitong Martes, sinabi ni Babrers na kasama nitong nanumpa kay Villar sa NP noong nakaraang linggo ang may 200 lokal na lider kasama ang kanyang kapatid na si Robert Lyndon, dating gobernador ng lalawigan. Nanumpa rin sa NP si Constantino “Banjo" Navarro III, na mula sa kilalang angkan sa Surigao. Pinapaniwalaang si Navarro ang makakatapat sa congressional race ni Rep. Francisco Matugas (1st District, Surigao del Norte). Sinabi ni Barbers, anak ng pumanaw na si Sen Robert Barbers, na may basbas nina dating Pangulong Fidel Ramos at dating Speaker Jose de Venecia, ang paglipat niya sa NP. “Mula nang pumasok ako sa pulitika nasa Lakas na ako kaya bilang respeto sa mga elders ng partido (Ramos at De Venecia), hiningi ko muna ang blessing nila," paliwanag ng gobernador. Tatlong terminong naging kongresista ng Surigao del Norte si (Ace) Barbers bago tumakbong gobernador noong 2007 elections. Kabilang siya sa nabuwag na “Spice Boys" sa Kamara de Representantes na kinabibilangan noon nina Budget Sec. Ronaldo Andaya, Sen Miguel Zubiri, dating Sec. Mike Defensor, dating Rep. Ricky Sandoval. Tumanggi si Barbers na magbigay ng dahilan kung bakit kumalas sa Lakas ngunit sinabi nito na ang NP ni Villar ang susunod na pinakamalaking partido sa bansa pagkatapos ng 2010 elections. Ikinagulat din umano ng gobernador ang pagdalo ng may 25,000 tao upang saksihan ang paglipat nila sa NP na pinamahalaan mismo ni Villar, standard bearer ng partido sa 2010 elections. “Isa itong manipestasyon kung anong klase ng suporta ang ibinigay ng mamamayan ng Surigao kay Sen Villar. Pagpapakita ito ang sentimiyento ng mga tao na tiwala sila Nacionalista Party para sa kaunalaran ng lalawigan," pahayag ni Barbers. Lipat bakod si Guingona III Kung lumipat si Barbers sa NP, kakalas naman si Rep. Guingona, anak ni dating vice president Teofisto Guingona Jr, na kritiko ni Pangulong Gloria Arroyo. Tumanggi munang magsalita si Rep. Guingona sa pag-alis sa NP pero nagpatawag ito ng press conference sa Club Filipino sa Miyerkules para sa gagawing pag-indorso sa kanyang planong pagtakbong senador sa May 2010 ng grupong “Kaya Natin." Ang “Kaya Natin" ay kinabibilangan nina Pampanga Gob. Ed Panlilio at Isabela Rep. Grace Padaca na sumusuporta sa kandidatura ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III ng Liberal Party. Inihayag ng isang source sa LP, na hindi pa manunumpa sa partido si Guingona sa Miyerkules ngunit halos nakatitiyak na ang pagkalas nito sa NP para mapasama sa senatorial line-up ni Aquino. Sinabi naman ni Sen Alan Peter Cayetano, opisyal ng NP, na iginagalang niya ang anumang politikal na hakbang ni Guingona III na itinuturing niyang matalik na kaibigan. - GMANews.TV