Filtered By: Topstories
News

Lumipat kay Gibo: LP ni Noynoy nalagasan ng miyembro


MANILA – Tuluyan ng iniwan ng walong kongresista ang Liberal Party ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III para suportahan ang kandidatura ng pinsan niyang si Defense Secretary Gilbert “Gibo" Teodoro ng Lakas-Kampi-CMD. Naganap ang pagkalas ng walong kongresista sa kabila ng pagsisikap ni Aquino na palakasin ang partido at pag-isahin ang mabiyak na LP sa pagitan nina Environment Secretary Jose “Lito" Atienza Jr. at dating Senate President Franklin Drilon. Nahati ang partido nang sumali ang Drilon wing sa panawagan na magbitiw sa puwesto si Pangulong Gloria Arroyo noong 2005, habang nanatili sa kampo ng Malacanang ang Atienza wing. Nanumpa sa Lakas-Kampi nitong Biyernes ng gabi sina Reps. Magtanggol Gunigundo (Valenzuela), Mary Mitzy Cajayon (Caloocan), Glenn Chong (Biliran), Reynaldo Uy (Western Samar), Rodolfo Valencia (Oriental Mindoro), Solomon Chungalao (Ifugao), Alvin Sandoval (Malabon Navotas) at Jose Antonio Roxas (Pasay City). Sa walo, tanging si Chong lamang ang kabilang sa Drilon wing, habang kaalyado ni Atienza ang natitirang pitong mambabatas. Minaliit Minaliit naman ni Quezon Rep. Lorenzo Tañada, tagapagalita ng LP-Drilon wing, ang paglipat sa Lakas-Kampi ng walong dating kasamahan. “If we look at their party affiliation in 2007 elections, the six representatives identified with Atienza filed their certificates of nomination as Lakas candidates, one with UNO (United Opposition," paliwanag ni Tañada. “In this equation, we just lost one representative," patungkol ni Tañada kay Chong. Sa kabila nito, sinabi ni Tanada na nauunawaan nila ang desisyon ni Chong na iwanan ang partido. “We would like to wish Rep. Chong all the best. ‘It is that time of the season.’ Local politics played an important part in their decision. This is the weakness of our political party system in the country," idinagdag niya. Makakalaban ng GF ni Noynoy Sa isang media forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi nina Gunigundo at Cajayon na pinili nilang lumipat sa administrasyon dahil sa kawalan ng kasiguraduhan na mapag-iisa ang LP. “We believe that the administration has more definition and has less uncertainty. Hindi rin magulo kung sino ang team captain ‘di gaya ng ibang party that has members who claim to be opposition but technically they are hybrid because they have members who are part of the administration," pahayag ni Gunigundo. Posibleng makalaban ni Gunigundo bilang kongresista sa May 2010 elections ang kasintahan ni Sen Aquino na si Valenzuela Councilor Shalani Trinidad. Ngunit naniniwala si Gunigundo na mas magiging mahusay na lider ng Pilipinas si Teodoro kaysa sa pinsan nitong si Aquino na pumalit na standard bearer ng LP matapos umatras si Sen Mar Roxas. “Gibo has all it takes to become the next President. He has good attitude because he believes that changes cannot be effected without the cooperation of government and the people," ayon sa kongresista. Inaasahan naman ng Lakas-Kampi na ang pagkalas ng walong kongresista ay simula pa lamang ng pagkalagas ng suporta sa kandidatong pangulo ng LP. Ayon kay Ray Roquero, deputy secretary general ng Lakas-Kampi, dalawa pang kasapi ng LP – Reps. Ma. Edita Arago (Laguna) at Paul Daza (Northern Samar) – ang nakatakdang lumipat sa administrasyon. - GMANews.TV