Filtered By: Topstories
News

Pero walang pondo?: P12B calamity fund lusot na sa Kamara


MANILA – Inaprubahan na sa Kamara de Representantes ang resolusyon na naglalaan ng P12 bilyon pondo para magamit sa rehabilitasyon ng mga lugar na labis na pininsala ng mga nagdaang bagyo. Sa isinagawang sesyon nitong Lunes ng gabi, 179 kongresista ang bumoto pabor sa Joint Resolution No. 48. Ang pondo ay kukunin sa “unprogrammed" funds o malilikom na pondo na hindi pa wala pang paggagamitan. Nagpahayag naman ng pagtutol sa resolusyon si Nueva Ecija Rep. Edno Joson dahil sa ipinatong na P2 bilyon, taliwas sa orihinal na P10 bilyon nang ihain ang panukala. Nangangamba ang kongresista na magamit lang sa katiwalian ang pondo, lalo na sa kapangyarihang ibinigay sa National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa paggamit ng calamity fund. “I voted no because a lump sum appropriation with no specifics as to plans of programs and projects to be implemented under it might result to corruption," paliwanag ni Joson. “Article 6, Section 25 of the Constitution provides that no laws shall be passed authorizing the transfer of appropriations, in other words, there could only be augmentation from savings in any items," idinagdag niya. Mula sa Kamara, ipadadala ang resolusyon sa Senado para aprubahan. Tiniyak naman ni House Majority Leader Rep. Arthur Defensor (Iloilo), na hindi masasayang at lalong hindi magagamit sa katiwalian ang pondo. “I appeal to spare the measure’s approval from politics. The funds will be used for the rebuilding of areas ravaged by natural calamities, including typhoons 'Frank', 'Ondoy' and 'Pepeng.' Transparency will be observed in the disbursement of funds," paliwanag ni Defensor. Ang karagdagang P2 bilyon pondo ay para umano sa mga lalawigan na sinalanta ni 'Frank' na nanalasa noong 2008 katulad ng Iloilo. Nilinaw din ni Defensor na nakasaad sa Presidential Decree No 1566 na may kapangyarihan ang NDCC na gamitin ang calamity fund nang naayon sa itinatakda ng batas at umiiral na mga proseso. Ipinaliwanag din ng mga may-akda ng resolusyon na pinapahintulutan sa Republic Act (RA) No. 9524 o P1.415 trilyong 2009 General Appropriations Act (GAA), ang paggamit ng Unprogrammed Fund upang suportahan ang mga infrastructure project at social program ng pamahalaan. Aminado naman si Quirino Rep. Junie Cua, pinuno ng House committee on appropriations, na wala pang katiyakan kung may pagkukunan ng naturang pondo. Sa halip na gawing “supplemental" budget, idinaan na lamang sa calamity fund mula sa unprogrammed fund ang pondo para hindi maobliga ang National Treasury na magpalabas ng sertipikasyon para maghanap ng pagkukunan ng pondo. Pinuri naman ni Speaker Prospero Nograles ang mga mambabatas na pansamantalang isinang-tabi ang pulitika para suportahan ang panukala. “Certainly, the House of the People responded quickly to the situation. As I have said, there is no minority or majority when national interest is at stake," ayon kay Nograles. Bukod kina Nograles at Cua, kabila sa mga mag-akda ng resolusyon ay sina An Waray Rep. Florencio “Bem" Noel, Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, Albay Rep. Edcel Lagman, Defensor, at Palawan Rep. Abraham Mitra. - GMANews.TV
LOADING CONTENT