Filtered By: Topstories
News

Labanan ng oposisyon: Manok ni Arroyo kulelat sa SWS survey


MANILA – Mga miyembro pa rin ng oposisyon ang lumilitaw na magsasabong sa 2010 presidential elections matapos mangulelat pa rin sa pinakabagong survey ng Social Weather Station ang manok ng administrasyon. Sa ipinalabas na third-quarter SWS survey na ginawa nitong Sept 18-21, na may 1,800 respondents sa buong bansa, lumitaw na nanguna sina Liberal Party Sen Benigno “Noynoy" Aquino III na may 60 percent, na sinundan ni Nacionalista Party Sen Manny Villar na nakakuha ng 37 percent. Malayong pang-anim ang napipisil na standard bearer ng Lakas-Kampi-CMD na si Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr., na may 4 percent, mas mataas sa 0.8 percent na nakuha niya sa survey noong Hunyo. Pumangatlo naman kay Villar si dating Pangulong Joseph "Erap" E. Estrada (18%); at sumunod sina Sen. Francis Joseph G. Escudero (15%); Sen. Manuel "Mar" A. Roxas II (12%); Vice-president Manuel "Noli" L. de Castro, Jr., (8%); Sen. Loren B. Legarda, (5%); Sen. Panfilo M. Lacson at Makati Mayor Jejomar C. Binay (tig-2%); at Metropolitan Manila Development Authority Chairman Bayani F. Fernando at Jesus Is Lord Movement leader Bro. Eduardo "Eddie" C. Villanueva (tig-1%).
Sen. Noynoy Aquino and Sen. Manuel Villar Jr emerge on top of the latest SWS survey on voters' preference for 2010. GMANews.TV
Maliban kay Villar na umangat ng apat na puntos mula sa dating 33 percent na nakuha noong June survey, lahat ng mga kaalyado ng oposisyon ay nabawasan ng marka. Hanggang tatlong pangalan ang hiningi sa survey sa napipisil ng mga respondents na dapat pumalit sa posisyon ni Pangulong Gloria Arroyo sa May 2010 elections: "Under the present Constitution, the term of President Arroyo is up to 2010 only, and there will be an election for a new President in May 2010. Who do you think are good leaders who should succeed Pres. Arroyo as President? You may give up to three names." Kahit pumangalawa lang, sinabi ni Atty. Adel A. Tamano, tagapagsalita ng NP, na kumpiyansa pa rin sila sa tiyansa ni Villar na manalo sa darating na halalan. "This is part of the dynamics of a political campaign, and we expect more changes to happen in the run up to the May 2010 elections. What is encouraging about this survey is that it shows that he [Mr. Villar] has solid support from the people," ayon kay Tamano. Sa panayam ng GMANews.TV, sinabi ni dating Cavite Rep. Gilbert Remulla, tagapagsalita ng NP, na patuloy ang paglipat sa kanilang partido ng mga lokal na opisyal mula sa ibang lapian na patunay na si Villar ang maituturing “man to beat" sa darating na halalan. Nitong Miyerkules, sinabi ni Remulla na nanumpa kay Villar sa kapitolyo ng Camarines Sur si Gov. LRay Villafuerte at mga lokal na lider nito mula sa partidong Lakas-CMD. Una nang lumipat sa NP sina Davao del Sur Gov. Douglas Cagas, at Surigao del Norte Gov. Ace Barbers. May 300 lokal na lider din na kinabibilangan ng bise gobernador sa Sorsogon ang lumipat kay Villar at mga lokal na lider sa Cavite. Simpatiya kay Noynoy Inihayag naman ni Ramon C. Casiple, executive director ng Institute for Political and Economic Reform, na ang mataas na marka na nakuha ni Aquino ay simpatya ng publiko dahil sa pagpanaw ng kanyang ina na si dating Pangulong Corazon C. Aquino. Gayunman, naniniwala si Casiple na maituturing paghahangad din sa repormang pulitikal ang nakuhang suporta ni Aquino na maituturing umano na hindi tradisyunal na politiko. Tanggap naman umano ng kampo ni Estrada ang resulta ng survey at inihahanda ang tambalan nila ni Makati Mayor Jejomar Binay. "We have yet to see if this will be sustained to May 2010. Nevertheless, it’s all opposition presidentiables in the top slots, so we are very happy with these results," pahayag ni Margaux M. Salcedo, tagapagsalita ni Estrada.
Panalo sa mga kongresista Bagaman nangulelat sa SWS survey, nakabawi naman si Teodoro sa mock elections na ginawa sa Kamara de Representantes, na kontrolado ng mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon. Sa 153 kongresista na sumali sa botohan na pinamahalaan ng ilang mamamahayag, nakakuha si Teodoro ng 90 boto. Pumangalawa naman si Villar na may 25 boto, at 20 boto ang nakuha ni Escudero. Nakakuha naman si Sen Richard Gordon ng apat na boto, at dalawa kay Estrada. Habang tig-isang boto sina De Castro, Fernando, Villanueva at Public Works Secretary Hermogenes Ebdane. - BusinessWorld at GMANews.TV
LOADING CONTENT