Filtered By: Showbiz
Showbiz

Survivor Philippines Palau: 2 castaways voted off in back-to-back tribal councils


Isang gabi, dalawang Tribal Council. Ito ang nangyari sa Friday episode ng Survivor Philippines: Palau sa GMA 7. Pagkatapos ma-vote out ang English tutor to Koreans na si Tara Macias sa ikalawang Tribal Council ng Sonsorol, nagulat ang mga nalalabing castaways nang i-announce ng host na si Paolo Bediones na magkakaroon ng isa pang Tribal Council agad-agad. Kitang-kita sa mga mukha nila ang pagkabigla nang sabihin ni Paolo na kailangan nilang bumoto ulit. Pinabuksan ni Paolo sa businesswoman na si Justine Ferrer ang scroll na nakuha niya sa huling Immunity challenge. Nakasaad sa scroll ang: "Immunity sa Tribal Council." Kaya sa kanya ibinigay ni Paolo ang Immunity necklace na dating suot ng Japinoy student-model na si Suzuki Sadatsugu. Ang ibig sabihin nito ay hindi maaaring iboto ng castaways si Justine. Sinabihan ni Paolo ang mga castaway na bawal silang mag-usap at tumingin lamang sa kisame para hindi nila mapag-usapan ang gagawin nilang pagboto. Bagamat hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap, halos lahat ng walong natitirang castaways ay nagkaisa na ang dating call center agent mula sa Bicol na si Echo Caceres ang tanggalin. Anim ang nakuhang boto ni Echo, samantalang dalawa naman para sa Manila City Hall employee na si Shaun Rodriguez, na halatang kabadung-kabado habang binabasa ang mga boto. TARA'S EXIT. Sa wakas ay dumating na rin ang pinakahihintay na sandali ng mga natitirang castaways ng Survivor Philippines: Palau nang mapatalsik nila ang tinaguriang "Taray Queen" na si Tara. Expected na ng marami ang pagkakatanggal ni Tara sa laro dahil inis sa kanya halos lahat ng mga kasamahan sa Sonsorol. Aminado naman si Tara na wala siyang kasundo sa mga miyembro ng Sonsorol, kahit na naranasan niyang mapabilang sa dalawang tribo noon—ang Koror at Airai. Dahil sa pagiging "maingay" niya kaya siya kinaiinisan ng kanyang mga kasama, pero ayon sa 20-year-old English tutor mula sa Cebu, nagpapakatotoo lang siya at hindi niya kayang makipagplastikan. Sa simula pa lang ng pagme-merge ng Koror at Airai ay naging puntirya na ng castaways si Tara. Pero mas pinili nilang tanggalin sa unang Tribal Council ng Sonsorol ang 18-year-old model na si Marvin Kiefer dahil sa pagiging threat nito sa challenges. Pero hindi na pinalampas ng mga castaway ang pagkakataon na tanggalin si Tara nang matalo ito sa ikalawang Immunity Challenge. Sa kanyang exit interview, maaanghang na salita ang pinakawalan ni Tara sa mga bumoto sa kanya, lalo na sa modelong si Jef Gaitan. "Galit na galit" daw siya sa ginawang pagboto sa kanya at gusto niyang "sampal-sampalin" ang mga dati niyang kasamahan. Tinawag din ni Tara na "losers" ang mga castaway. UNEXPECTED TWIST. Napahagulgol naman si Echo nang siya ang matanggal sa surprise Tribal Council. Hindi niya kasi napaghandaan ang pangyayaring ito. Dahil siguro sa pagiging malakas ni Echo sa mga challenge kaya siya ang napiling tanggalin ng karamihan sa kanyang mga kasamahan. Umiiyak na sinabi ni Echo na ipinagkait sa kanya ang pagkakataong maabot ang pangarap niya. Pero wala naman daw siyang sama ng loob sa mga bumoto sa kanya, bagkus ay ito raw ang gagamitin niyang sandata upang lalo siyang lumakas sa hamon ng buhay. "It doesn't mean that it's the end of the world," sambit pa ni Echo. Sa kanilang pagkakatanggal sa laro, sina Tara at Echo ang ikalawa at ikatlong miyembro ng Jury, kasama ni Marvin, na siyang magdedesisyon kung sino ang mananalo ng three-million cash prize at ng titulong Pinoy Sole Survivor. - Erwin Santiago, PEP