Filtered By: Topstories
News

Gibo-Loren tandem sa 2010 polls pinalutang ng administrasyon


MANILA – Tinawag ng isang opisyal sa Malacanang na “exciting" kung magkakatotoo ang mga ulat na kakalas sa oposisyon si Sen Loren Legarda para maging katambal ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa 2010 presidential elections. Ito ay matapos kumpirmahin ni Press Secretary Cerge Remonde na may mga gobernador na kaalyado ng administrasyon ang nagtutulak sa tambalang Teodoro-Legarda upang ipangtapat sa mga pambato ng oposisyon. "I am sure and I understand some governors have been pushing the Gibo-Loren tandem and I am sure that is going to be an exciting tandem if it pushes through," ayon kay Remonde sa panayam sa dzRB radio. Hindi tinukoy ni Remonde kung sino ang mga gobernador na nagtutulak na kunin si Legarda bilang running mate ni Teodoro sa halip na si Interior and Local Government Sec Ronaldo Puno. Pero sa ulat GMA news Saksi nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni Saranggani Gov. Migs Domingues na nagpasa ng resolusyon ang League of Provinces in the Philippines (LPP) para isulong ang tambalan nina Teodoro at Legarda. Sa isinagawa umanong straw voting ng executive committee ng liga, pito umano ang bumoto para kay Legarda, kumpara sa apat na boto ni Puno. Hindi naman itinanggi o kinumpirma ni Legarda, kasapi ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), ang ulat na pagsama sa kampo ng administrasyon. “I don’t want to talk about politics right now. ‘Di naman ito makatutulong magbigay ng pagkain sa mga nagugutom ngayon panahon na ito," aniya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Una rito, sinabi ni Legarda na limang presidentiables ang nanliligaw sa kanya para maging bise presidente. Inaasahan na magpapahayag ang senador ng kanyang plano sa 2010 elections sa susunod na linggo. Inaasahan na si Legarda ang magiging bise presidente ng kanyang kapartidong si Sen Francis Escudero. Pero dalawang ulit ng naantala ang nakatakda sanang paghayag ng NPC sa tambalang Escudero-Legarda. Kumpiyansa naman si Valenzuela Rep. Rex Gatchalian, tagapagsalita ng NPC, na paninindigan ni Legarda ang kanyang pangako sa partido na hindi lilipat sa kampo ng administrasyon. Para naman kay Teodoro, ipinapaaubaya nito sa liderato ng Lakas-Kampi-CMD ang desisyon kung sino ang kanyang magiging katambal sa darating na halalan. Tumanggi rin si Remonde na magpahayag kung ano ang mangyayari kay Puno sakaling “masulot" ni Legarda ang posisyon ng bise presidente sa administrasyon. “Nasa kanila na ‘yan talaga. Ako alam ninyo di naman ako party member dahil, ayaw ko makisama sa, nasa partido na’ yan, sila na magdedesisyon sa bagay na ‘yan," pahayag ng opisyal. Sinabi rin ni Remonde na sa isinagawang Legislative Executive Development Advisory Council (Ledac) noong nakaraang linggo sa Malacañang tungkol sa climate change, nagboluntaryo umano si Legarda na sumama kay Pangulong Gloria Arroyo sa mga pagtitipon tungkol sa nasabing usapin. Sa ngayon, tanging ang Liberal Party pa lamang ang may nabuong tambalan para sa 2010 elections. Isasabak ng partido sina Sens Benigno "Noynoy" Aquino III at Manuel Roxas II. Inaasahan naman na ihahayag sa darating na linggo ng United Opposition ang tambalan nina dating Pangulong Joseph Estrada at Makati Mayor Jejomar Binay. Patuloy naman palaisipan kung sino ang magiging running mate ni Sen Manny Villar para sa Nacionalista Party. – GMANews.TV