Filtered by: Topstories
News
Archbishop Rosales nanawagang palayain na si Fr Sinnott
MANILA – Umapela si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales nitong Sabado sa grupong dumukot kay Irish priest Michael Sinnott sa Mindanao na palayain na ang bihag dahil na rin sa maselang kalagayan ng kalusugan nito. Sa panayam ng Radio Veritas, nagpahayag ng pagkabahala si Rosales sa 79-anyos na dayuhang pari nang malaman na kagagaling lang nito sa operasyon sa puso at walang dalang gamot nang tangayin ng mga armadong lalaki. “Nakausap ko pa nga kamakalawa ang kasama niyang mga pari at sabi ang kanilang kaba e wala pang gamot na dala. ‘Yon pala si Fr. Sinnott ay parating may gamot na iniinom ilang beses sa isang araw," ayon sa arsobispo. Kung hindi kaagad mapapalaya, nanawagan si Rosales sa mga bumihag kay Sinnott na kumuha ng gamot para sa kaligtasan ng kanilang bihag. Kinastigo rin niya ang ginagawang pagtarget ng mga armado sa mga alagad ng Simbahan na wala umanong ibang hangad kundi kabutihan ng iba. “Ang pari naman o lahat ng pari ay iba ang hinahangad sa pangangaral. Hindi naman ito masamang tao. Wala namang ibang hangarin ito kundi ang kabutihan ng lahat na maakay sa Panginoon," ayon kay Rosales. “Ewan ko nga ba kung anong klaseng pag-iisip mayroon ang mga gumagawa nito. Magkawang-gawa tayo na sana ang gumawa nito ay isip-isipin lamang ang mga consequences ng mga ginagawa nila kung ito ba ang ay makakatulong sa kanilang kapwa," idinagdag ng arsobispo. Ikinalat na flyers Sa Zambaonga del Sur, 10,000 flyers ang ikinalat sa mga pampublikong lugar sa pag-asang makakahikayat ito sa mga tao na magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Sinnott para maipadala ang kinakailangan niyang gamot. “We hope that through this ay makapag-establish na rin kami ng contact para mapakiusapan sana na magdala ng mga gamot kay Fr. Sinnott," ayon kay Allan June Molde, Public Information Office ng Zamboanga del Sur. Idinagdag ni Molde na nagpakalat din ang lokal na pamahalaan ng mga flyers sa mga coastal areas sa katabing lalawigan ng Zamboanga del Norte. “We all know na 'yung means na pag-alis nung mga kumuha kay Father ay through boat kaya nagbabakasakali kami na may nakakita na maaring makapagbigay ng information na kailangan namin," paliwanag niya. Si Sinnott ay dinukot ng mga armadong lalaki sa tinutuluyan nito sa Pagadian City noong nakaraang Linggo. Mukha ng suspek Kasabay nito, sinabi ni Molde, tagapagsalita rin ng Task Force Sinnott, nagpalabas na ang mga awtoridad ng artists' sketches ng mga taong pinapaniwalaang tumangay kay Sinnott. Nakuha umano ng Philippine National Police, at National Bureau of Investigation (NBI), ang impormasyon sa itsura ng mga suspek sa tulong ng mga testigo. Naipakita na umano noong Miyerkules ang artist sketch ng mga suspek kay Zamboanga del Sur governor Aurora Enerio Cerilles, pinuno ng Crisis Management Committee. Una rito, sinabi ni Maj. Gen. Ben Dolorfino, hepe ng Western Mindanao Command (Westmincom), na natukoy ang may-ari ng bangka na ginamit sa pagbiyahe kay Sinnott na si Guingona Samal, umanoy lider ng mga pirata sa lugar. - GMANews.TV
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
More Videos
Most Popular