Filtered By: Showbiz
Showbiz

Survivor Philippines Palau: Tribal Council voted off Fil-Jap student


Naging emotional at makapigil-hininga ang naganap na ika-apat na Tribal Council ng merged tribe na Sonsorol, kung saan ang Filipino-Japanese student na si Suzuki Sadatsugi ang natanggal. Sa unang botohan ay ang Manila City Hall employee na si Shaun Rodriguez ang nakakuha ng pinakamaraming boto (3 out of 7). Pero dahil sa bisa ng hidden immunity na inilabas niya bago magsimula ang Tribal Council ay hindi counted ang mga boto laban sa kanya. Kaya ang sumunod na castaway na may pinakamaraming boto sana ang matatanggal. Ang kaso, parehong dalawang boto ang nakuha ni Suzuki at ng businesswoman na si Justine Ferrer kaya kinailangang magkaroon ng tie-breaker. Dahil iboboto nila ang isa't isa, hindi na pinaboto ng host na si Paolo Bediones sina Suzuki at Justine. Ang mga katribo nilang sina Shaun, Mika Batchelor, Jef Gaitan, Amanda Colley Van Cool, at Charles de Vera Fernandez na lang ang bumoto. Pero naging mahigpit pa rin ang labanan—tatlo para kay Suzuki at dalawa para kay Justine. Kaya sa huli ay si Suzuki ang natanggal. Hindi napigilang umiyak ng ilang castaways sa pagkakatanggal ni Suzuki, na isa sa pinakagusto ng lahat dahil sa magandang ugali nito. Maging si Suzuki ay napaiyak sa kanyang exit interview. Sa pagkakatanggal ni Suzuki ay anim na lang ang natitirang castaways—sina Justine, Shaun, Charles, Mika, Amanda, at Jef. Si Suzuki naman ay magiging ika-apat na miyembro ng Jury, na kinabibilangan din nina Marvin Kiefer, Tara Macias, at Echo Caceres. Ang Jury ang magdedesisyon kung sino ang karapat-dapat makakuha ng cash prize na three million pesos at sa titulong Pinoy Sole Survivor. Bago umalis si Suzuki ay pinapili siya ni Paolo kung sino ang pagbibigyan niya ng "red pearl" sa mga natitirang castaways. Ang sinumang may hawak ng "red pearl" ay awtomatikong magkakaroon ng dalawang boto sa susunod na Tribal Council. Ang napili ni Suzuki na pagbigyan nito ay si Mika. LAST-MINUTE SCRAMBLING. Bago naganap ang botohan, kanya-kanya ng gapangan ang pitong natitirang castaways sa susunod na Tribal Council matapos gawin ang mga challenge. Malinaw ang mabilis na pagpapalit-palit ng mga alyansa na ikinagugulo ng ilan sa kanila. Dahil sa pagkawala ni Echo, hindi ngayon alam ni Justine kung buo pa ba ang girls' alliance at maging ang Koror alliance. Bagamat malinaw noong una na buo pa rin ang Airai alliance—na kinabibilangan nina Mika, Shaun, Jef, at Amanda—nagbago ito nang malaman ng mga babae ang pakikipag-alyansa ni Shaun kina Suzuki at Charles. Dahil dito, gumawa ng plano si Mika na ibalik ang girls' alliance upang mapatalsik si Shaun o di kaya ay si Suzuki. Pero nang minsang mag-usap-usap ang mga babae ay huli na nang malaman nila na nakikinig pala sa kanila si Shaun. Nang kinumpronta ni Shaun si Mika tungkol sa mga usapan ng mga babae, idinahilan ni Mika na sinabi lang nila yun para makumbinsi si Justine na si Shaun ang iboboto, pero hindi naman talaga. Pero hindi nakumbinsi si Shaun kaya tuloy pa rin ang pagpaplano niya kasama sina Suzuki at Charles na si Justine ang iboto nila. Ilang sandali bago magpunta sa Tribal Coucil, mabilisang gumawa ng alyansa si Justine kasama sina Jef at Charles para iligtas ang sarili niya sa pagkaka-vote out. - Erwin Santiago, PEP