Filtered By: Topstories
News

Pagkandidato sa eleksyon kukunan ng buwis


MANILA – Simula sa susunod na taon, sisingilin ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga kakandidato, partido politikal, at pati na rin ang mga magkakaloob sa kanila ng kontribusyon para sa kampanya. Nakapaloob sa bagong kautusan ng BIR na Revenue Regulation 8-09, na kailangan magbayad ng mga pulitiko ang limang porsiyentong buwis mula sa kabuuang ginastos at natanggap nilang kontribusyon para sa kanilang kandidatura. Kailangan ding magparehistro ng mga kandidato, partido pulitikal at mga contributors sa BIR bilang mga withholding agents para sa gagawing pagkaltas sa buwis. “The new regulation is part of the bureau’s efforts to maximize tax collections arising from campaign expenditures and contributions," ayon sa pahayag ng BIR. Idinagdag ni BIR Commissioner Sixto Esquivias IV na dapat tuparin ng mga kandidato ang kanilang mga tax obligations, kasama na ang pagbabayad ng kanilang expanded withholding tax. Inihahanda na umano ang kasunduan ng BIR at Commission on Elections para maipatupad ang bagong regulasyon sa pagsingil ng buwis, ayon kay BIR senior deputy commissioner Joel Tan-Torres. Sinabi ni Tan-Torres na ituturo ng mga tauhan ng BIR sa mga kakandidato sa buong bansa ang kanilang magiging responsibilidad na nakasaad sa bagong kautusan. “BIR offices throughout the country will be briefing all candidates running for elective positions to educate them on their tax compliance responsibilities," pahayag ng opisyal. Sa nakalipas na unang siyam na buwan ng 2009, nabigo ang BIR na makamit ang target collection sa buwis dahil na rin sa nagaganap na pandaigdigang krisis sa pananalapi. Mula Enero hanggang Setyembre, nakalikom ng buwis ang BIR ng P557 bilyon, kapos ng P39.2 bilyon sa orihinal nitong target. Tinatayang nasa P237.5 bilyon ang budget deficit dahil sa kakapusan ng koleksyon ng gobyerno. - GMANews.TV