Mobile Alerts  Newsletter  Archives  About Us  Advertise with Us Twitter GMANews.TV Facebook GMANews.TV RSS GMANews.TV
Pinoy Abroad

Villar may VP na; pero secret pa

MANILA – May napili na umano si Senador Manny Villar na magiging katambal sa 2010 elections ngunit mananatili pa rin itong sekreto sa ngayon.

“Sa akin naman ay hindi naman natin pwedeng i-announce ‘yan. Ang sabi ko lang, hanggang doon lang tayo sa may napili na tayo pero hindi pa tayo talaga nakahandang sabihin kung sino ‘yun," pahayag ni Villar sa mga mamamahayag nitong Martes.

Si Villar ang magiging pambato ng Nacionalista Party sa May 2010 presidential elections. Maliban kay Villar, wala pa ring running mate ang pambato ng administrasyong Lakas-Kampi-CMD na si Defense Secretary Gilbert Teodoro.

Kapwa maugong na nakikipagnegosasyon ang kampo nina Villar at Teodoro kay Senador Loren Legarda, vice presidential candidate ng Nationalist Peoples Coalition.

Mistulang “nabiyuda" si Legarda sa 2010 elections nang biglang kumalakas sa NPC at piniling maging indepedyente ng inaasahan nilang manok sa panguluhan na si Sen Francis Escudero.

Bukod kay Legarda, sinasabing kasama rin si Escudero sa kinakausap ng kampo ni Villar na maging running mate sa darating na halalan.

Ayaw kumpirmahin ni Legarda ang pakikipag-usap kay Villar, samantalang pinabulaanan ni Escudero na nagkakausap ng pambato ng NP.

Bagaman bukas sa pakikipag-koalisyon sa ibang partido para sumuporta sa kandidatong pangulo, pinabulaanan ni dating Isabela Gov Faustino Dy, chairman ng NPC, na tiyak na ang tambalang Villar-Legarda.

Sinabi ni Villar na ipapakilala niya ang kanyang running mate, kasama ng kanyang 12 pambato sa senatorial elections sa gagawing kombensiyon ng NP sa kalagitnaan ng Nobyembre.

“Magandang balita naman sa ating mga kapartido at mga kaibigan sa buong kapuluan. Gusto lang namin ng marahil timing. At siyempre dahil kailangan din naman na isangguni natin sa kanila kung ano ang magandang timing nito at kung ano ang sa ating mga kasamahan," ayon sa senador.

Naniniwala umano siya na maganda at tama ang kanilang napiling kandidato bilang pangalawang pangulo.

“Hindi naman tayo pipili ng hindi magaling. At siyempre ang pipiliin natin, kung saka-sakali may mangyari sa pangulo ay siya ay papalit. Kaya mahalaga na may kakayahan din ito para mamuno ng ating bansa kung saka-sakali," idinagdag ni Villar.

Tutukan ang katiwalian

Samantala, hinikayat ni Sen Edgardo Angara sa susunod na pangulo ng bansa na tutukan ang problema sa katiwalian upang magamit sa tama ang pondo ng gobyerno at hindi sa bulsa ng mga tiwaliang opisyal.

Sinabi ni Angara na sa ngayon ay pang-141 ang Pilipinas sa kabuuang 180 bansa sa mundo na pinakatiwala ang gobyerno, batay sa listahan ng Corruption Perception Index (CPI) noong 2008.

Noong 1998, sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada, naitala umano ng World Bank na umabot sa P241.2 bilyon mula sa P546.7 bilyong kabuuang budget ng pamahalaan para sa mga proyekto ang napunta sa kickback.

“According to the report, at least 20% of the government funds for projects in 1998 alone, ended up as “kickbacks" with Php241.1 billion out of the Php546.7 billion total budget," ayon sa senador.

Naitala din umano ng WB noong taong 2000 na umaabot sa $47 milyon bawat taon o $48 bilyon sa loob ng 20 taong mula 1997 ang nalulugi sa pamahalaan dulot ng korapsiyon.

“Corruption is a plague on our house. It cannot be stamped out overnight. Only a well-studied groundwork, with international cooperation and local initiatives, can cure us of this cancer and nurse our society back to health. The next administration should make this a top priority," ayon kay Angara. - GMANews.TV
ADVERTISEMENT