Filtered by: Showbiz
Showbiz

10 Years of I-Witness


Noong dekada nobenta, marami pang Pilipino ang hindi nakaaalam kung ano ang dokumentaryo. Mga drama, magazine at talk shows lang ang naghahari noon sa ere at nagpapasok ng mga parangal at mataas na ratings sa mga TV networks. Pero bago nagtapos ang milenyo, naisip ng GMA News and Public Affairs na bumuo ng isang programang magpapakilala sa publiko kung ano ang isang dokumentaryo. Dito nabuo ang programang I-Witness.

AWARD-WINNING DOCUMENTARISTS. From left: Sandra Aguinaldo, Jay Taruc, Howie Severino, and Kara David
Ang premyadong broadcast journalist na si Jessica Soho ang isa sa mga bumuo ng konsepto ng I-Witness. Bagamat may mangilan-ngilang pag-aalinlangan noon kung papatok ang programa sa publiko, pumaimbulog at nanguna ang I-Witness sa unang buwan nito sa ere. Tinanggap kaagad ng masa ang kakaibang istilo ng pagkukuwento at paglalahad ng iisang istorya ng I-Witness, at matapos ang mahigit sa 500 dokumentaryo, ang I-Witness na ang longest-running late night program sa telebisyon ngayon. Tumanggap na rin ito ng napakaraming parangal mula sa iba’t ibang award-giving bodies sa loob at labas ng bansa. Kasama na rito ang nag-iisang George Foster Peabody Award; mga ginto at pilak na medalya sa New York Festivals; dalawang Asia- Pacific Child Rights Award; ang Asian TV Awards,;at marami pang iba. Sa I-Witness din nanggaling ang ilan sa mga itinuturing haligi ng broadcast media ngayon katulad nina Jessica Soho at Mike Enriquez. Sumusunod sa kanilang mga yapak ay ang mga batikang senior journalists ng GMA Network, sina Howie Severino, Kara David, Jay Taruc at Sandra Aguinaldo. Tuwing Lunes, binibigyan nila tayo mga panibagong paraan ng pagtingin at pag-intindi sa mundong ginagalawan natin. “Ang I-Witness ang nagpakilala sa mga Pilipino kung ano ang dokumentaryo. Naging inspirasyon ito ng ibang programa sa telebisyon, at maging ng mga manood para gumawa ng sarili nilang dokumentaryo at ikuwento ang kanilang mga istorya. Ipinakita ng I-Witness na isang makapangyarihang medium ang dokumentaryo sa pagpapakita ng nangyayari sa ating kapaligiran," ayon kay Howie. Idinagdag ni Howie na itinuturing niyang “outlet" “at isang magaling na “creative space for non-fiction stories" ang I-Witness dahil nabibigyan sila ng sapat na panahon para ikuwento ang mga istoryang kanilang pino-produce kada linggo. Finest hour sa telebisyon Mula nang mabuo ang I-Witness, naging kakabit na ng programa ang salitang “originality." Sa mga nakalipas na taon, nanguna ang I-Witness sa paggamit ng mga modernong teknik sa video production at makabagong paraan ng pagkukuwento ng istorya, na kung minsan pa’y maituturing ng “avant garde" o progresibo. “Hindi naman tatawaging television’s finest hour ang I-Witness kung hindi ito progresibo," kuwento ni Sandra Aguinaldo. “Lahat ng episodes namin ay mahusay na binuo at ni-research ng aming mga staff. Patuloy din kaming tsina-challenge ng management ng GMA na pangunahan ang departamento sa pagpo-produce ng mga makabuluhang kuwento in the most creative way." Sinabi ni Howie na mas nabibigyan sila ng “creative freedom" na i-produce ang mga istoryang gusto nilang gawin kumpara sa ibang programa. “Most of our episodes don't even have spiels by the hosts and go straight into the story, like most classically done documentaries. Isa ito sa kaibahan ng I-Witness sa ibang programa na kadalasan, requirement ang spiels ng hosts," paliwanag niya. Dahil sa radikal nitong paraan ng pagkukuwento, palaging usapin ang mga dokumentaryo ng I-Witness tuwing matatapos itong umere sa telebisyon. Minsan nga ay sinuspindi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang programa dahil sa pagpapalabas ng dokumentaryo ni Howie tungkol sa Lukayo, isang tradisyon ng mga lola sa Laguna kung saan nagsasayaw sila habang may nakasabit sa kanilang mga bewang na mga kahoy na hugis-ari ng lalaki. “It got the program suspended by the MTRCB, simply because the censors deemed an age-old tradition practiced by grandmothers to be obscene, along with other fertility rituals from around the country," pahayag ni Howie. Ngunit hindi naging hadlang sa I-Witness ang mga ganitong eksena para ipagpatuloy ang pagpapalabas ng mga makabuluhang dokumentaryo sa telebisyon. “I-Witness has become bolder and more ambitious in its subject matter, sometimes testing the limits set by government regulators. Gusto ng I-Witness na makabuo ng isang documentary movement sa Pilipinas, kaya naman nagsasagawa kami ng mga libreng documentary festivals sa mga sinehan at mga documentary competitions para sa mga estudyante. Mayroon din kaming docu-seminar na nagtuturo ng basic documentary production," idinagdag ni Howie. Pero higit sa mga awards at radikal na pagkukuwento, ang epekto at impluwensiya ng I-Witness sa lipunan ay ang naghihiwalay sa kanya sa iba pang programang napapanood natin sa telebisyon sa Pilipinas. May silbing dokumentaryo Maraming buhay ang nabago, mga batas na ipinasa, at mga aksiyong isinagawa ng mga manonood nang dahil sa linggo-linggong pagpapalabas ng I-Witness ng mga may saysay na dokumentaryo. Nirebisa at inaprubahan ang batas tungkol sa organ donation nang dahil sa dokumentaryong Kidneys for Sale ni Jessica Soho. Nagkaroon ng kuryente ang bayan ng Little Baguio sa Oriental Mindoro matapos silang tayuan ng solar panels matapos maipalabas ang Gamu-gamo sa Dilim ni Kara David. Marami sa mga case studies na nainterbyu sa I-Witness, nabigyan ng tulong at nakatapos ng pag-aaral dahil sa tulong na ibinigay ng mga nakapanood ng kanilang mga kuwento. Ayon kay Kara, kilala sa kanyang mga dokumentaryo tungkol sa mga bata, isang pribilehiyo ang makapagbigay ng serbisyong totoo sa pamamagitan ng I-Witness. “I’ve always believed na ang papel ng I-Witness ay ang makapagpabago ng kamalayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng katotohanan. Pero hindi lang viewers ang nababago ng I-Witness, pati kaming mga dokumentarista nababago rin nito. Because of I-Witness, I have found my lifetime advocacy as a journalist -- to use my medium as an instrument of empathy, an instrument to instill compassion to the powerless and voiceless. Makapagpalaganap ng malasakit, maging mikropono ng mga di naririnig, maging sandata ng mga walang kapangyarihan," kuwento ni Kara. Idinagdag niya na, “I-Witness has not only opened the eyes of many viewers to the realities of life, ginising din nito iyung malasakit na matagal nang nahihimlay sa kanilang puso. Naging tulay ang I-Witness ng mga taong gustong tumulong at mga taong dapat tulungan." Ngayong Nobyembre, ipagdiriwang ng I-Witness ang ika-10 taong anibersaryo nito sa pamamagitan ng pagpapalabas ng apat na espesyal na dokumentaryong tiyak na magdadala ng pagbabago sa industriya ng broadcast TV ng bansa. Sinaliksik at binuo ang apat na dokumentaryo sa mas mahabang panahon, isang bagay na hindi pa nagagawa ng kahit anong programa sa telebisyon sa Pilipinas. Apat na kuwento “As early as April of this year, nagsu-shoot na kami ng mga anniversary episodes namin. Kasi ‘di ba, the more time you spend in producing your story, the closer you get to the truth. Sa pamamagitan ng mga dokumentaryong ito, gusto naming maipakita ang katotohanan sa mga napili naming istorya," ayon naman Jay Taruc, na siyang magsisimula ng anniversary month ngayong Lunes, Nobyembre 9. Ang kanyang dokumentaryo ay tututok sa buhay ng mga “Kristo" sa Cutud, San Fernando sa Pampanga. Madidiskubre ni Jay na may namumuong kontrobersiya sa taunang pagdiriwang ng Senakulo sa Cutud. Titigil na sa kanyang panata si Ruben Inaje Jr., na sumikat dahil sa kanyang taunang pagpapapako sa krus. Hindi pabor ang mga residente at opisyal ng senakulo sa taong papalit sa kanya dahil aminado itong isa siyang sugarol at lasenggero. Susunod na ipalalabas sa Nobyembre 16 ang dokumentaryo ni Sandra Aguinaldo na “Bigatin," na tatalakay sa lumalaking problema ng obesity sa Pilipinas. Sinundan ni Sandra ang buhay at pakikipaglaban ng dalawang babaeng obese sa pagpapayat at ipapakita kung paano nila sinusubukang bawasan ang kanilang mga timbang gamit ang iba’t ibang paraan ng weight reduction. Sasali rin si Sandra sa pagpapayat sa pamamagitan ng istriktong dieting at matinding ehersisyo bilang paghahanda sa kanyang pagbubuntis. Sa Nobyembre 23 naman, ipapakita ni Kara David ang lumalalang problema ng Pilipinas ukol sa pediatric tuberculosis. Babalikan ni Kara ang mga nakapanayam niyang mga bata sa kanyang dokumentaryong “Hingalo ng Bunso" na ipinalabas sa I-Witness ilang buwan lang ang nakalipas. Ipakikita ni Kara kung may pagbabago bang naganap sa kalusugan ng mga batang ito matapos nilang ipalabas ang kanilang dokumentaryo. Ang huling pang-anibersaryong handog ng I-Witness sa Nobyembre 30 ay ihahatid ni Howie Severino, na magpapakita sa buhay na pinagdaraanan ng isang transsexual makamit lang ang pinakamimithi nitong pangarap - ang maging isang babae. Ilalahad ni Howie ang buhay ni Vincent Christar Ibardolaza o Plates, at kung paano niya binabago ang kanyang katawan para maging isang ganap na “Trans-Pinay." Pero may isang malaking hadlang sa kanyang pangarap. Kailangang maipasa ni Plates ang napakaraming psychological at psychiatric exams na siyang magsasabi kung handa na ba siyang sumailalim sa isang sex reassignment operasyon. Samahan sila Sandra, Kara, Jay at Howie na ipagdiwang ang sampung taon ng mga makabuluhang dokumentaryo sa I-Witness. Ipalalabas ito sa apat na Lunes ng Nobyembre sa GMA, pagkatapos ng Saksi. - GMANews.TV
LOADING CONTENT