Filtered By: Topstories
News

Folding house na puwedeng ilipat ng puwesto


MANILA – Tabi muna ang folding bed at folding chair dahil nandito na ang napapanahong "folding house" na puwedeng gawing tirahan ng mga nasalanta ng bagyo. Dahil sa naganap na kalamidad dulot ng mga bagyong “Ondoy" at “Pepeng," libu-libong residente ang nawalan ng tirahan at napilitang manirahan at makipagsiksikan sa mga evacuation centers. Ang iba naman, nagtitiyaga sa mga pansamantalang tirahan na gawa sa tent gaya sa Botolan, Zambales at Benguet. Pero mayroong naimbentong bahay ang ilang eksperto na puwedeng itupi at ilipat ng lugar na maaaring pamahayan ng mga evacuees. Sa isang ulat ni GMA News reporter Kara David, inihayag ng isang engineering expert ng Forest Product Research and Development Institute, na hindi ligtas na gawing tirahan ang mga tent na gawa lang sa lona at sinusuportahan ng mga tali. Kaya naisipan ng mga eksperto na gumawa ng bahay na puwedeng iligpit kung nais ilipat ng lugar at tinawag nila itong mobile elf shelter o foldable shelter. Sa tulong ng anim na tao, kayang ilatag at itiklop ang bahay sa loob lang ng kalahating oras. Ang loob nito; may banyo, ilaw, lababo at saksakan ng kuryente.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Maganda ito dahil ito ay all weather, itong foldable house ay masasabing eco house o green house dahil dito ay gumagamit kami ng materyales na masasabi nating efficient siya na nanggaling sa mga renewable resources," pahayag ni Felix Tamolang, OIC Director’s Office, FPRDI. Sinabi sa ulat na maaari ring iangat o itaas ang bahay kung ilalagay ito sa lugar na binabaha. Pero bukod sa puwede itong gawing temporary shelter ng mga evacuees na biktima ng kalamidad, maaari rin itong gamiting permanenteng bahay sa mga low cost housing project ng gobyerno. Matibay ang bahay dahil ginamitan ito ng bakal at kahoy. Pero dahil mga recycled materials na ang ibang materyales, mura ang halaga ng bahay na umaabot sa P6,000 per square meter o aabot sa P73,000 hanggang P200,000 ang isang buong bahay na naititiklop. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
Tags: bagosapinay
LOADING CONTENT