Filtered By: Topstories
News

Daan patungong Malacanang ‘di magiging madali – Roxas


MANILA – Ang kampo naman ngayon ni Senador Benigno “Noynoy" Aquino ang nagrereklamo ng character assassination matapos idawit ang pamilya nito sa konstruksiyon ng Subic-Clark-Tarlac expressway na dumaan sa kanilang Hacienda Luisita. Ayon kay Sen Mar Roxas, tatakbong bise presidente ni Aquino sa ilalim ng Liberal Party sa May 2010 elections, nararamdaman na nila ang negatibong epekto ng nangunguna sa mga survey. “Bagamat maganda ang mga numerong nakikita natin ngayon, this is not going to be an easy fight," pahayag ni Roxas sa ginanap na panunumpa sa mga bagong miyembro ng LP sa Cubao nitong Huwebes. Umarangkada sa survey si Aquino mula noong Setyembre nang umatras si Roxas sa panguluhang halalan kapalit ng una. Sinasabing simpatya sa pumanaw na si dating Pangulong Cory Aquino ang nakukuhang popularidad nito. Bago mamayapa si Cory Aquino, si Senador Manny Villar ng Nacionalista Party ang itinuturing frontrunner sa mga survey. Nagreklamo rin noon si Villar na biktima siya ng “black propaganda" partikular sa sinuportahan nitong C-5 Road extension project. Ayon kay Roxas, gagawin lahat ng kampo ng administrasyon ang taktika upang harangin ang panalo ni Aquino sa darating na halalan. “Gagawin nila ang lahat para mapatid si Noynoy dahil sa lahat ng tumatayong pang-presidente, si Noynoy lang ang hindi nila makakausap," pahayag ni Roxas. Aminado naman si Aquino na dumadami umano ang mga atake sa kanya katulad ng Subic-Clark-Tarlac expressway, ang pagkamatay ng mga nagpoprotestang magsasaka sa kanilang hacienda at pati na ang hindi pagdalo sa pagdinig ng ethics complaint laban kay Villar tungkol sa C-5 project. “Ang problema nga noon they were complaining that I was not siding with them tapos ngayon hindi ako nagparticipate," patungkol ni Aquino sa kaso ni Villar. “Lahat ng kuwentong kutchero inilalabas na nila para sirain ako," reklamo pa niya. Una rito, hinamon ng ilang militanteng mambabatas si Aquino na maging lalaki at harapin ang problema ng Hacienda Luisita upang mabigyan ng hustisya ang mga nasawing magsasaka. Iginiit ni Aquino na walang kinalaman ang kanilang pamilya sa paggawa ng SCTEX na sinimulan noong termino ni dating Pangulong Joseph Estrada at ipinagpatuloy ng administrasyon ni Pangulong Gloria Arroyo. Iginiit ni Roxas na isa lamang black propaganda laban kay Aquino ang pag-usbong ng kontroberisya sa SCTEX . “Itong project na ito, sa bansang Hapon, sila ang gumawa nito, at ito ay sinumulan ng Obuchi fund noong panahon ni Pangulong Erap Estrada. Tumungo na sa first term hanggang sa second term ni GMA. Kaya hindi naman natin masasabi na may kinalaman ang pamilyang Aquino sa alignment, sa paggawa ng kalyeng ito, sa anumang bagay dito sa kalyeng ito," paliwanag niya. Idinagdag naman ni dating Senate President Franklin Drilon, chairman ng LP, na lalong kailangan magpalakas ang kanilang partido dahil sa mga naglalabasang usapin. “The numbers are there, it is for us to lose, matatalo tayo ‘pag wala tayong sapat na organisasyon. We stand here not because of Noynoy and Mar but because we want change in our society," ayon sa dating senador. - GMANews.TV