Susan Roces is now a Kapuso star
Kapuso na rin ang tinaguriang Queen of Philippine Movie na si Susan Roces. Pagbibidahan niya ang Christmas series ng GMA 7 na tiyak na kukurot sa puso ng mga manonood. Sa ulat ni entertainment reporter Nelson Canlas, sinabi ng biyuda ng yumaong si Fernando Poe Jr., na labis siyang natutuwa sa inialok na proyekto ng Kapuso Network. “Malaking karangalan para sa akin at pinasasalamatan ko ang bumubuo ng GMA na naisipan nila ang isang proyektong ganito," pahayag ni Tita Susan sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Sinabing piling-pili ang mga proyekto na tinatanguan ni Tita Susan kaya maituturing isang malaking biyaya na maisakatuparan ang Christmas serye na may titulong Sana Ngayong Pasko. “Mahalaga para sa atin na makapaghandog sa ating mga viewers ng isang istorya, ng isang kasaysayan katulad ng narinig ko kanina na isinalaysay na itatakbo sa buong panahon ng Pasko," idinagdag niya. Iikot ang kuwento ng Sana Ngayong Pasko sa problema ng mag-asawa, ina at lalo na sa lola na nagkakaroon na ng problema sa memorya dahil sa kanyang pagtanda. Idagdag pa ang napapanahong problema ng mga napinsala ng kalamidad kung papaano nila haharapin ang Pasko. Dahil si Tita Susan ang gaganap, siguradong magiging madamdamin ang unang Christmas serye ng Kapuso Network. “Very timely sa nangyayari sa atin ngayon. At saka lahat naman ng pamilya, sa tingin ko maraming pamilya na may ganyan. Meron silang magulang o lola na pinagdadaanan yung pagdadanan ni Susan dun sa isntorya. Very real yun," ayon kay Wilma Galvante, SVP for Entertainment TV, GMA Network Inc. ‘I feel very honored, very grateful to GMA 7 and everybody here for the warm welcome. I’m looking forward and very exited to do this serye," pahabol ni Tita Susan. – Fidel Jimenez, GMANews.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV