Filtered By: Topstories
News

C-5 road scandal saradong kabanata na – Villar


MANILA – Itinuturing ni Senador Manny Villar na saradong kabanata na sa kanyang buhay pulitika ang kontrobersiyal na C-5 road project na itinuturong dahilan sa pagkakasibak niya bilang Senate President noong nakaraang taon. Ang pahayag ay ginawa ni Villar matapos ihain ang resolusyon sa Senado na pirmado ng 12-senador na inirerekomenda na iabsuwelto ang standard bearer ng Nacionalista Party sa anumang pananagutan sa pagsuporta nito sa C-5 project. Inakusahan ni Sen Jamby Madrigal si Villar ng “conflict of interest" dahil sa umano’y double insertion sa pondong hiningi nito sa budget para sa C-5 project. Ngunit matapos ang 20 pagdinig na ginawa sa loob ng isang taon, inihayag ng mga senador na pumirma sa Senate Resolution 1472 na walang iregularidad na ginawa si Villar sa naturang proyekto batay na rin sa testimonya ng mga testigong ipinatawag ng Senate Committee of the Whole. “The undersigned senators find that there is nothing to hold Senator Villar for disorderly behavior in the performance of his duties as senator," nakasaad sa resolusyon. Ipinaabot naman ni Villar ang pasasalamat sa kanyang mga kasamahan dahil sa tiwala at rekomendasyon na pawalang-sala siya sa naturang kontrobersiya. "Ako po ay nagpapasalamat at masaya rin ako na finally malinis ang aking pangalan para ngayon masasabi ko na maski kailan ay hindi ako kumukuha ng maski piso sa pamahalaan at malinis ang aking record," ayon kay Villar. Ang mga pumirma sa resolusyon ay sina Senate Minority leader Aquilino Pimentel, Sens. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Lito Lapid, Gregorio Honasan II, Joker Arroyo, Miriam Defensor-Santiago, Ramon “Bong" Revilla Jr., Jinggoy Ejercito Estrada, Loren Legarda, Sen Francis Pangilinan at si Villar. Pinitik si Legarda Binatikos naman ni Madrigal ang naturang resolusyon at pinanindigan ang alegasyon niya laban kay Villar. Nagpasaring din ito kay Legarda na magiging bise presidente ni Villar sa 2010 elections. "I congratulate Mr. Villar for his fantastic lobbying in turning someone like Sen. Loren Legarda, who was rabidly against him into his Girl Friday," ayon kay Madrigal. "As they say, Manny talks and money talks louder. I will not subscribe to political prostitution when the country's interest is at stake. Public service is not a numbers game," idinagdag niya. Tinapos ng Senate of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagdinig sa kaso ni Villar nitong Oktubre. Inaasahang magpapalabas ng desisyon ang komite bago matapos ang 2009. - GMANews.TV