Filtered By: Topstories
News

Bongbong Marcos handang ‘magpa-ampon’ kay Noynoy


MANILA – Bukas si Ilocos Norte Rep. Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr. na maging kandidato sa pagka-senador ng Liberal Party na pinamumunuan ni Senador Benigno “Noynoy" Aquino III para sa May 2010 elections. Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Marcos, tanging anak na lalaki ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., wala siyang nakikitang masama na makipagtulungan kay Aquino, nag-iisang anak naman ni dating Sen Benigno “Ninoy" Aquino Jr. Mahigpit na magkatunggali sa pulitika ang mga magulang nina Bongbong at Noynoy. “I don't see any problem, trabaho lang naman," pahayag ni Marcos sa mga mamamahayag. Nilinaw nito na mananatili siya sa partido ng kanyang ama na Kilusang Bagong Lipunan (KBL). Sa ngayon, kasama na sa senatorial line-up bilang guest candidate si Bongbong ng Nacionalista Party ni Sen Manny Villar at Partido ng Masang Pilipino ni dating Pangulong Joseph Estrada. Ngunit hindi pa umano nakakapagdesisyon ang kongresista kung saan partido ito makikipag-alyansa kahit ilang ulit na siyang nakitang dumalo sa mga pagtitipon ng NP. Kasabay nito, inamin ni Marcos na walang alok na nanggagaling sa kampo ni Aquino para ampunin din ang kanyang kandidatura bilang senador. “Nag-antay pa ng tawag, walang imbitasyon," ayon kay Marcos na aminadong malaking supresa sakaling alukin siyang guest candidate ng LP. Kayang abutan si Noynoy Samantala, hindi nababahala ang ibang presidentiables sa patuloy na pangunguna ni Aquino sa mga survey kung saan nakapagtala ito ng 44 percent rating sa Pulse Asia. Malayong pumangalawa si Villar na may 19 percent, na sinundan ni Sen Francis Escudero (13 percent) at Estrada (11 percent). Hindi naman umabot sa 5 percent ang marka nina Vice President Noli de Castro (4 percent); dating Defense Sec Gilberto Teodoro (2 percent); Metropolitan Manila Development Authority chairman Bayanni Fernando at religious leader Eddie Villanueva na may tig-1 percent. Ginawa ang survey noong Oktubre 22-30, na may 1,800 respondent at margin of error na 2 percent. Si Aquino rin ang nanguna sa pinakahuling survey ng Social Weather Station na may 60 percent rating. Ayon kay Villar, kapansin-pansin umano na bumababa na ang rating ni Aquino na pinapaniwalaang umangat dala lamang ng simpatya ng publiko sa pagpanaw ng kanyang ina na si Gng Cory Aquino noong Agosto. "Kahit papaano ay normal na ang kampanya ngayon at hindi na imposibleng habulin," ayon kay Villar, pambato ng NP. Nagkakaisa naman ni Estrada at Teodoro na malayo pa ang eleksiyon kaya puwede pang magbago ang resulta ng mga survey. "Elections are still six months away. It is still unpredictable as the people are not really decided yet whom to vote," ayon kay Estrada. Nang tanungin si Teodoro kung napanghihinaan siya ng loob dahil sa 2 percent na nakuha sa rating, sagot ng pambato ng administrasyon: "Ako, madi-discourage? Hindi." Ginamit din halimbawa ni Estrada si De Castro na dating nangunguna sa survey ngunit malayo na rin ngayon sa paglipas ng panahon. Hinihinala niya na naapektuhan ang kanyang popularidad dahil sa legal na katanungan sa kanyang kandidatura at pagdadawit sa kanya sa Dacer-Corbito double murder case. - GMANews.TV