Filtered By: Showbiz
Showbiz

Krista Ranillo camp mum on 'affair' with Pacquiao


Nanatili umanong tahimik ang kampo ng aktres na si Krista Ranillo tungkol sa napapabalitang romantikong relasyon nito Pinoy boxing hero na si Manny Pacquiao. Sa late evening newscast na Saksi nitong Martes, sinabing sinikap ng GMA News na makapanayam ang manager ni Krista na si Arnold Vegafria para hingan ng reaksiyon tungkol sa umuugong na relasyon ng kanyang talent kay Pacquiao. Sa ginanap na laban ni Pacquiao kay Miguel Cotto nitong Linggo (araw sa Maynila) sa US, napag-alaman na nondoon ang aktres pero kasama ang kanyang pamilya. Sinabi sa ulat ng Saksi na nagbigay ng ibang numero ng telepono si Vegafria dahil kasalukuyang itong nasa Europe. Pero nang tawagan ang naturang numero ay hindi naman ito makontak ng GMA News. Idinagdag pa na noong Linggo sa Thanks Giving mass na ginawa matapos ang panalo ni Pacquiao kay Cotto, nakitang umiyak ang maybahay niyang si Jingkee. Hindi malinaw kung ano ang dahilan ng pag-iyak nito. Ngunit napuna na tila tinabig ni Jingkee ang kamay ng tinaguriang Pambansang Kamao nang subukan itong lapitan ni Pacquiao. Nang tanungin umano si Pacquiao, sinabi nito na masyado lamang emosyunal ang kanyang asawa. Nananatili namang tahimik si Jingkee at hindi nagbigay ng pahayag sa nangyaring eksena sa misa. Sa mga naunang panayam kay Vegafria, sinabi nito na posibleng naging malapit lang bilang magkaibigan sina Pacquiao at alagang si Krista dahil magkasama sila sa pelikulang “Wapakman." Kabilang ang action/fantasy movie na “Wapakman" na pinagbibidahan ni Pacquiao sa mga ipalalabas sa Metro Manila Film Festival sa Disyembre. - Fidel Jimenez, GMANews.TV