Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris, Sharon supporting cast: Gov Vilma takes her oath as LP's new recruit


Nagpatikim ng “star power" sa kampanya ni presidential aspirant Sen Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Martes nang dumating ang malalaking artista sa oath-taking nina Batangas Governor Vilma Santos at asawa nitong Ralph Recto bilang bagong miyembro ng Liberal Party (LP). Dumagsa ang tao sa open ground ng kapitolyo ng Batangas dahil na rin sa pagdating nina Mega Star Sharon Cuneta, at actress-TV host na si Kris Aquino-Yap, kapatid ni Noynoy, ayon sa ulat ni Ruth Cabal, sa GMA news 24 Oras nitong Martes. Bukod sa mag-asawang Vilma at Recto, lumipat din sa LP mula sa Lakas-CMD si vice governor Mark Leviste at ilang lokal na opisyal.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Mismong sina Sen Aquino at running mate nito na si Sen Mar Roxas ang namahala sa panunumpa ng mga bagong kasapi ng partido. Ayon sa ulat, hindi natinag ang mga taong sumaksi sa paglipat sa LP ng mag-asawa kahit bumuhos ang malakas na ulan. Ikinuwento ni Kris na silang magkakapatid na babae ang nanligaw kay Gov Vilma na lumipat sa LP. Aniya, hindi naging madali ang paghikayat nila sa tinaguriang “Star for All Season" para suportahan ang kanilang kuya Noynoy. “Hindi ako nahihiya na aminin sa inyo, kami ng mga kapatid kong babae nag-aapat na rosaryo po, araw-araw ang dasal namin para makuha ang suporta ni ate Vi. Nadinig po ng langit ang dasal namin," ayon sa bunsong kapatid ni Sen Aquino. Inihayag naman ni Gov Vilma na marami siyang tinanggihan na alok ng ibang partido na tumakbong bise presidente. “Maraming salamat sa tiwala dahil ang puso (ko) sa lalawigan ng Batangas. (Sa) Liberal party dahil si Noynoy ay nagbibigay ng inspirasyon sa tao, tama?," ayon sa actress-politician. Inihayag naman ni Sen Aquino ang kanyang plataporma sa kampanya. Kasama umano rito ang pagsusulong ng edukasyon para sa mahirap, dagdag na trabaho at matatag na hustisya, ayon sa ulat. Naging kontrobersiyal ang paglipat ng mag-asawang Vilma at Recto sa LP dahil naging dahilan ito para kumalas sa partido ni Noynoy si dating Sen Serge Osmena. Sinabi ni Osmena na hindi niya nais makasama sa senatorial line-up ng LP si Recto dahil kilala itong kaalyado ni Pangulong Gloria Arroyo at nagsulong para maisabatas ang 12 percent expanded Value Added Tax (eVAT) - Fidel Jimenez, GMANews.TV