Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jinkee to Krista: ‘If you wreck a family, will you be happy?’


Nagpaunlak ng eksklusibong panayam sa GMA News ang maybahay ni Pinoy boxing hero Manny Pacquiao na si Jinkee. Bagaman umiwas na sagutin ang kontrobersiya tungkol kay Krista Ranillo, may mensahe naman siya para sa batang aktres. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Martes, inamin ni Jinkee kay GMA News reporter Jiggy Manicad na nasasaktan siya kapag nadadamay ang kanyang pamilya sa mga intriga. Pinakahuli ang pagkakaugnay ni Manny sa kanyang co-star sa pelikulang Wapakman na si Krista. “Nasasaktan ako na yung pinag-uusapan yung aming pamilya. Kasi dapat hindi pinag- uusapan ang aming private life kasi may mga anak ako," pahayag ni Mrs Pacquiao. Sa kabila nito, sinabi ni Jinkee na handa niyang protektahan at ipaglaban ang kanyang pamilya na binuo nila ni Manny sa loob ng 10-taon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Ipaglalaban hanggang kaya ko. Mahirap ‘yong pagtayo ng isang pamily na binuo namin tapos basta-basta mawawala, tapos sa isang intriga lang, sa isang pagsubok lang bibitaw ka. Nung mula umpisa hanggang sa ngayon ,10 years kaming nagsama (ni Manny) mahirap balewalain ang lahat," paliwanag niya. Ayon sa ulat ni Manicad, hindi sinagot ni Jingkee ang isyu tungkol sa umano’y relasyon nina Manny at Krista pero nagbigay siya ng mensahe sa batang aktres. “Bata pa siya marami pa siyang gustong gawin sa buhay n’ya, may futue pa siya so isipin n’ya kung magiging masaya ba siya kung makiki-join siya sa isang tao na may family," pahayag niya. “Magiging masaya ba siya kung makasira siya ng isang pamilya? So, madami pa siyang makikilalang iba na single ‘di ba? bakit kailangan pa sa isang may asawa? Si Manny may mga anak, masaya ang family namin, mahirap yung masisira yung family… dapat tulungan na lang na buo ang family magiging masaya sila para sa amin," idinagdag ni Jinkee. Nang tanungin si Jinkee kung gaano niya kamahal ang mister at kanilang anak, tugon niya: “Siyempre buong buhay ko, parang nasa kanilang lahat. Hindi ako perfect wife, hindi ako perfect mother pero ginagampanan ko yung tungkulin ko bilang asawa. Kaya ako nandito, kaya ako nabubuhay para sa mga anak ko, para sa asawa ko." Sinabi ni Jingkee na handa niyang suportahan ang asawang si Manny kahit ano pa ang mangyari. Nauna nang sinabi ni Manny na magkaibigan lang sila ni Krista at humingi ito ng paumanhin sa pamilya Ranillo dahil sa naglabasang kontrobersiya. Nagbigay naman ng suporta sa batang aktres ang kanyang pamilya kabilang ang kanya lola na si Gloria Sevilla at tiyahin na si Suzette Ranillo. Si Krista ay anak ng aktor na si Mat Ranillo III. Kung si Jinkee umano ang masusunod, nais na niyang tumigil na si Manny sa paglaban sa boksing dahil sa peligroso ang naturang isport. “Pagdating sa boxing career siya ang magdedecide. Pero ako, kung ako ang tatanungin okey lang na tumigil na siya…naaawa ako sa kanya, natatakot ako kasi buhay ang nakataya diyan," ayon kay Mrs Pacquiao. Pagdating sa mga anak, wala raw hangad si Jinkee kung hindi ang maging matagumpay sila sa kanilang buhay at lumaking may takot sa Diyos. At kung aalukin ng television show mas gusto raw ni Jinkee ang tungkol sa pagpapaganda dahil naging komportable siya sa pagiging consultant ng isang dating show na beauty contest. – Fidel Jimenez, GMANews.TV