Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Bayani Agbayani returns to Kapuso Network


Matapos magulantang ang marami sa pagpirma ni Claudine Barretto ng two-year contract sa GMA-7 nitong Miyerkules, isa pang Kapamilya ang nakatakdang lumipat sa bakuran ng Kapuso Network. Kinumpirma ng komedyanteng si Bayani Agbayani ang paglipat niya sa Kapuso. "Ako po'y lumipat na sa GMA-7," pahayag ng komedyante sa interview niya sa radio program na Wow! Ang Showbiz! sa DWIZ. Ano na ang mga programa niya sa bago niyang tahanan? "Hindi muna puwedeng sabihin, pero ang makakasama ko, hopefully, sana matuloy, awa ng Diyos, si Mommy Dionisia [Pacquiao], at saka the champ, Manny Pacquiao," sagot ni Bayani. Iba pa raw ang show na ito sa umeereng Show Me Da Manny nina Pacman at Marian Rivera. Pero napag-alaman ng PEP na ang mga programang gagawin ni Bayani sa GMA-7 ay ang Todo Bigay, kung saan makakasama niya sina Manny at Mommy Dionisia, at ang early primetime series na First Luv, na pagbibidahan naman nina Joshua Dionisio at Barbie Forteza. Ano ang dahilan ng paglipat niya sa GMA-7? Nagbigay ba siya ng time frame sa ABS-CBN na kung hindi siya mabibigyan ng trabaho ng istasyon, tatanggapin niya ang alok ng rival network nito? "Hindi naman," sabi ng komedyante. "Sabihin natin na talagang napakalaki naman ng naitulong sa pamilya ko ng ABS-CBN. Kaya lang, talagang ganyan ang negosyo, ganyan ang business ng network. Minsan may trabaho ka, minsan wala. Ang sarap siguro ng may tinatrabaho. Kailangan kumilos ka, siyempre, may binubuhay ka ring pamilya. May iniisip kang mga plano para sa iyong career." Totoo bang nagpalit na rin siya ng manager? "Si Tita A [Angge o Cornelia Lee], nandiyan pa rin sa likuran ko. Kaya lang, meron na rin akong manager na tutulong sa akin sa pagpaplano ng career ko sa GMA-7, si Noel Ferrer. Dati ring nasa ABS 'yan, ngayon nasa GMA na siya. Si Tita A nandiyan pa rin para maging consultant," ani Bayani. (Si Noel ang siya ring manager ni Ryan Agoncillo.) ORIGINAL KAPUSO. Hindi raw alam ni Tita A ang paglipat niya sa GMA-7. Totoo ba ito? "Nagpaalam ako kay Tita Cory [channel head ng ABS-CBN], nagpaalam ako sa ABS, at nagpaalam din ako kay Tita A bago ako pumunta ng GMA-7. Hindi si Tita A ang kinuha ko para sa GMA, kasi alam naman natin na si Tita A nagtatrabaho sa ABS-CBN. So, para mas mabilis na rin ang proseso, si Noel Ferrer na lang, na mismong si Ma'am Wilma Galvante [SVP for Entertainment TV ng GMA-7] ang nagbigay sa akin para mas alagaan ang aking career sa GMA." Dagdag ni Bayani, "Galing naman ako sa GMA. Diyan galing ang Bayani Agbayani, si Ma'am Wilma ang nagbigay sa akin niyan. Ninang ko kasi siya sa kasal. Parang nagbalik-bahay lang ako. At siyempre, kung ano ang nasimulan ko, dun na rin ako matatapos. At doon na rin ako tatanda." Naging bahagi si Bayani ng morning program na Katok Mga Misis at ng variety show na Salo-Salo Together (SST) noong mid-'90s. Wala bang counter-offer ang ABS-CBN sa kanya nang magpaalam siya? "Actually, kay Tita A talaga ako nagpaalam," sabi ni Bayani. "Nag-thank you ako kay Tita Cory, at sa ABS-CBN sa mga nagawa nila sa akin. Talaga namang sobra ang pagbabago sa pamilya ko. Naging masarap ang buhay namin sa tulong ng ABS-CBN, kaya nagpasalamat ako sa lahat ng tulong nila sa akin. "Nung umalis naman ako sa GMA," patuloy ni Bayani, "nagpunta ako sa ABS-CBN. Nagsisimula pa lang ako nun, wala akong sinabing masama against GMA-7, doon ako nagsimula. Malaki ang naitulong nila sa akin para makapasok ako ng ABS-CBN at mapagsimulan ko ang pagiging artista ko. "Dapat naman gano'n lagi, e. Para sa akin, ang bawat artista gano'n lagi ang sinasabi kesa siraan ang isang network. Kasi sa totoo lang, business 'yan, negosyo 'yan. Kung ano ang sabihin ng nasa itaas, dapat igalang natin. Ito ang trabahong alam natin, ito yung trabahong pagbubutihin natin, saka ito ang trabahong bubuhay sa atin kaya dapat pagbutihin natin," saad ni Bayani, na ngayon ay balik-Kapuso. Nakatakdang raw pumirma ng two-year contract si Bayani sa Kapuso network sa Biyernes, November 27. - Eric Borromeo, PEP