Filtered By: Topstories
News

Gov Mendoza ‘di raw aalis: Kapitolyo ng Bulacan ikinandado


Nagdeklara si Bulacan Governor Joselito “Jonjon" Mendoza na hindi basta-basta isusuko ang kanyang liderato kay Roberto “Obet" Pagdanganan na idineklara ng Commission on Elections na tunay na nanalo noong 2007 elections. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing ikinandado ng mga tagasuporta ni Mendoza ang opisina nito sa kapitolyo upang hindi makapasok ang grupo ni Pagdanganan. Sa isang press conference, naniniwala si Mendoza na biktima siya ng paghihiganti ng administrasyon matapos lumipat sa Liberal Party (LP) na pinamumunuan ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III. “Hindi po tayo titigil hanggang sa huli, hanggang sa makarating ito sa Supreme Court," deklara ni Mendoza.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Iginiit ng gobernador na hindi niya dinaya ang mahigit 15,000 boto na kalamangan niya kay Pagdanganan noong 2007 elections. Batay sa ginawang recount ng second division ng Comelec, nanalo si Pagdanganan kay Mendoza sa lamang na 4,000 boto. Political vendetta Duda rin si Muntinlupa Rep. Rosanno Rufino Biazon sa naging desisyon ng second division ng Comelec na ideklarang panalo si Pagdanganan limang buwan bago ang May 2010 elections. Hinala ni Biazon, kandidatong senador ng LP, posibleng nagkukumahog ang administrasyon na pigilin ang mga kasapi na lumipat ng ibang partido gaya ni Mendoza na nanumpa sa LP kamakailan. “The threat of sudden resolutions of election cases, as well as administrative and criminal cases of elected officials who are members of Lakas is the ‘Sword of Damocles’ that the administration has over their members," pahayag ng kongresista. "The case of Gov. Jonjon Mendoza may be seen both as a punishment to him for leaving Lakas and a warning to others who may be planning or contemplating a move out of the administration party," idinagdag niya. Sakaling magtagumpay umano ang taktika ng administrasyon, posibleng maiwan na lamang sa kampo ng Lakas-Kampi-CMD ang mga opisyal na may nakabinbing kaso kriminal at electoral protest. - GMANews.TV