Filtered By: Showbiz
Showbiz

DOJ ruling vs PEP an early Christmas gift – Richard Gutierrez


Ikinukonsidera ni Richard Gutierrez na maagang Pamasko ang bagong desisyon ng Department of Justice na ituloy ang kasong libelo na isinampa niya laban tatlong tauhan ng Philippine Entertainment Portal (PEP). Ang kaso ay nag-ugat sa lumabas na artikulo sa website ng PEP tungkol sa umano’y gulo na kinasangkutan nina Richard at aktor na si Michael Florez sa isang birthday party noong Abril 2009. Sa ulat ng PEP nitong Huwebes (Dec 10), nakasaad na natanggap ng mga abogado ng entertainment portal ang kopya ng resolusyon ng DOJ na may petyang Dec. 4. Pirmado umano ito ni Secretary Agnes VST Devanadera na nagbabaligtad sa naunang rekomendasyon ni Associate Prosecution Attorney Mary Jane Sytat. Sa naturang rekomendasyon ni Sytat na ipinalabas noong Hulyo, ipinababasura niya ang kasong libelo na isinampa ni Gutierrez laban kina PEP Editor-in-Chief Jo-Ann Maglipon, Managing Editor Karen Pagsolingan, at Staff Writer Ferdinand Godinez, dahil umano sa kawalan ng merito. Kasabay nito, inihayag ng PEP na maghahain sila ng petisyon para hilingin sa DOJ na irekonsidera muli ang bagong desisyon sa kaso ni Gutierrez.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa phone interview nitong Sabado ni host/columnist Rickly Lo sa Startalk kay Richard, sinabi ng aktor na masaya siya at ang kanyang pamilya dahil sa muling pagbuhay sa kaso. “Unang-una gusto ko sanang sabihin na ayoko na sanang magsalita diyan. Pero of course I have to clarify it to everyone na we are happy, my family and I were happy that nasa tamang lugar na yung kaso ngayon, and nakita ng DOJ na dapat talagang bigyan pansin itong kasong ito," pahayag ng binata. “So parang early Christmas gift na rin sa amin ito dahil nabibigyan kami ng hustisya." Aminado si Richard na biglaan ang mga pangyayari kaya hindi pa niya masabi ang susunod nilang hakbang ng kanyang abogado ngayon inirekomenda ng DOJ ang pagsasampa ng kaso laban sa PEP. Tinanong din ni Ricky si Richard kung may posibilidad na magkaroon ng out of court settlement sa pagitan nila ng PEP dahil nagkasundo na naman ang kanyang inang si Annabelle Rama at Jo-Ann Maglipon, sagot ng aktor: “Siyempre Pasko ngayon it would be great na magkaroon ng bigayan, magkaroon ng pagmamahalan pero yun nga sabi ko biglaan pa rin yung nangyari sa amin and as now hindi pa namin napag-uuspan ang other possibilities regarding this case." Sa simula ay walang maibigay na mensahe si Richard sa PEP nang hingan siya ni Ricky pero kalaunan ay nagbigay na lamang ng apela ang binata. “Siguro sabihin ko na lang sana hindi na mangyari yung mga ganung bagay sa website nila. Sana matutukan nila ng husto yung mga nilalabas na article sa website nila para hindi naman sila nakakatapak sa mga artista. Kasi Tito Ricky they are media giant you know how big there are and sana hindi sila manapak ng tao," ayon sa Kapuso star. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
LOADING CONTENT