Filtered By: Topstories
News

Delivery ng mga voting machine labis na raw ang pagkaantala


MANILA – Nangangamba ang isang senador na hindi maipatupad ang full automated elections sa May 2010 dahil sa labis na pagkakaantala sa paghahatid ng mga voting machine na gagamitin sa halalan. Lumitaw sa isinagawang pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on Automated Election System, na nakasaad sa kontrata ng Commission on Elections at Smartmatic (nanalo sa bidding), na dapat umabot na sa 80 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga makina ang naihatid sa Pilipinas pagsapit ng Nobyembre 15. Bukod dito, dapat may mga dumating din na mga makina pagsapit ng Nobyembre 28 at Disyembre 17 kasabay ng gagawing dry run kung paano gamitin ang mga makina, ayon kay Sen Francis Escudero. Dahil dito, nanawagan ang senador sa publiko na magkaisa at suportahan ang anumang sistema ng halalan na gagamitin ng Comelec kapag hindi natuloy ang full automated elections sa Mayo 2010.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Dapat nang magkapit-bisig ang lahat ng mamamayan upang gamitin ang anumang sistema matuloy lamang ang halalan sa May 2010," ayon kay Escudero. Pinuna rin ni Escudero na tila hindi umano natupad ang probisyon sa kontrata kung saan nagsasaad na kailangang magbayad ng penalty ang kumpanya kapag naantala ang paghahatid ng mga makina. Ipinaliwanag naman ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento sa mga mambabatas na naantala ang paghahatid ng makina dahil bumagal ang paggawa sa mga ito kaya binago ang panahon ng paghahatid sa mga voting machine. “Naantala noong una, pero medyo bumibilis na ngayon ang pagmamanupaktura ng makina. Pinakamahalaga naman sa kontrata na matupad ang deadline sa paghahatid ng makina sa Pebrero 28 na dapat nasa bansa na ang lahat ng gagamiting voting machine," paliwanag ni Sarmiento. Sinabi ni Escudero na hindi dapat pagbigyan ng labis ng Comelec ang Smartmatic dahil nakasalalay sa kumpanya ang malinis at matapat na halalan ng bansa sa 2010. “May kasabihan tayo na kapag hindi ka puwedeng pagkatiwalaan sa maliit na bagay, paano ka mapagkakatiwalaan sa malalaking bagay. Nakita naman natin na unang bagay pa lamang, tila sumasablay na ang Comelec," puna ni Escudero. Una rito, nagpahayag si Speaker Prospero Nigrales na bukas siya sa posibilidad na piliin na lamang ang mga lugar na gagamitan ng makina sa pagboto sakaling magahol sa panahon ang Comelec. - GMANews.TV