Filtered By: Topstories
News

Pangunguna sa survey napanatili ni Noynoy; Villar patuloy sa pag-angat


MANILA – Sa pagtatapos ng taon, napanatili ni Liberal Party presidential aspirant Sen Benigno “Noynoy" Aquino III ang pangunguna sa survey ng Social Weather Station (SWS) para sa mga tatakbong pangulo sa May 2010 elections. Sa kabila nito, patuloy naman ang pag-angat ng pambato ng Nacionalista Party na si Sen Manny Villar na nagawang paliitin ang agwat nila ni Aquino sa 19 puntos. Sa pinabagong survey ng SWS na ginawa nitong Disyembre 5-10, na may 2,100 respondents, nakakuha si Aquino ng 46 percent, laban sa 27 percent ni Villar. Pumangatlo si dating Pangulong Joseph Estrada na nakakuha ng 16 percent, kasunod si administration ber Gilberto “Gibo" Teodoro (5%), at tig-1 percent sina evangelist Eduardo Villanueva, at Sen. Richard Gordon. Sa naturang survey, tinanong ng SWS ang mga respondents na: "Sa mga sumusunod na pangalan sa listahang ito, sino po ang malamang ninyong iboboto bilang PRESIDENTE ng Pilipinas, kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon?" Kumpara sa ipinagawang survey sa SWS ni Palawan Mayor Edward Hagedorn noong Nobyembre 4-8, na may 1,200 respondents, umabot sa 27 puntos ang lamang ni Aquino na nakakuha ng 47 percent kontra sa 20 percent ni Villar. Sa third quarter survey naman na ginawa ng SWS noong Sept 18-21, at mayroong 1,800 respondents, umabot sa 60 percent ang nakuhang suporta ni Aquino, kontra sa 37 percent ni Villar o kalamangan na 23 porsiyento. Hinihinala na ang suportang nakukuha ni Aquino ay simpatiya ng publiko dahil sa pagpanaw ng kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino noong Agosto dahil sa sakit na kanser. Pumalit si Aquino bilang standard bearer ng LP, makaraang umatras si Sen Mar Roxas sa panguluhang halalan at dumausdos sa posisyon bilang pangalawang pangulo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV VP race Sa bagong survey ng SWS, lumitaw na kung ngayon ang halalan ay si Roxas ang napupusuan ng mga botante na ibobotong pangalawang pangulo kontra kay Sen Loren Legarda na running mate ni Villar. Kumamig si Roxas ng 43 percent, kontra sa 32 percent ni Legarda. Malayong pangatlo ang katambal ni Estrada na si Makati City mayor Jejomar Binay na nakakuha lang ng 10 percent. Samantala, 3 percent lang ang napunta sa running mate ni Teodoro na si Edu Manzano, at 2 percent kay Bayani Fernando, na katambal ni Gordon. Karera sa Senado Sa agawan sa bakanteng 12 upuan sa Senado, nanguna naman ang mga re-electionist at returning senators na sina: 1. Miriam Defensor Santiago - 55 percent 2. Ramon "Bong" Revilla - 54 percent 3. Jose "Jinggoy" Estrada - 53 percent 4. Pilar Juliana "Pia" Cayetano - 48 percent 5. Franklin Drilon - 47 percent 6. Ralph Recto - 44 percent 7. Vicente Sotto III - 40 percent 8. Juan Ponce Enrile - 37 percent 9. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr - 32 percent 10. Sergio Osmeña III - 31 percent 11. Teofisto Guingona III - 24 percent, at 12. Manuel Lapid - 23 percent Nakabuntot naman sa magic 12 sina: 13. Jose "Joey" de Venecia III - 21 percent 14. Rozzano Rufino Biazon - 20 percent 15. Sonia Roco - 18 percent - GMANews.TV