Filtered By: Showbiz
Showbiz

Krista Ranillo no-show at Wapakman's premiere


Hindi nasilayan ng mga tao ang kontrobersiyal na si Krista Ranillo sa premier night ng pelikula nila ni Manny Pacquiao na Wapakman nitong Miyerkules ng gabi. Bukod dito, hindi rin dumating si Krista sa taunang float parade ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival nitong Huwebes na sinimulan sa Mall of Asia sa Pasay. Sa ulat ni entertainment reporter Lhar Santiago, sinabi nito na halos magkakasabay na dumating sa premiere night ng Wapakman ang mga star ng pelikula.
Dumating ang leading lady ni Manny na si Ruffa Mae Quinto, at mga co-stars na sina Bianca King, Polo Ravales at iba pang cast. Nandoon din ang misis ni Manny na si Jinkee. Halata umano ang pagiging sweet ng mag-asawa sa upuan habang hinihintay na magsimulang ipalabas ang pelikula. Bago simulan ang screening, tinanong ng entertainment press si Jinkee kung ano ang magiging reaksiyon niya sakaling magkita sila ni Krista. “Okey lang gusto ko ring manood kung ano yung… the way she acts kung okey ba. Kasi first time kong manood ng movie niya," pahayag ni Jinkee sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes. Sunod na itinanong kung maiinis ba siya kapag nakita ang mga eksena nina Manny at Krista na minsan naugnay sa kanyang mister? “Bakit naman ako maiinis? Bakit ko naman sisirain ang gabi ko? Nandito ako para maging masaya, masayang manood ng movie kasi asawa ko yung bida," idinagdag niya. Tiniyak daw nina Manny at Jinkee na paglaanan ng oras ang premiere night bago sila magpunta ng kanilang pamilya sa General Santos City para doon ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon. Pagkatapos nito ay magbabakasyon umano ang pamilya sa ibang bansa at babalik sila sa kalagitnaan ng Enero.
Float Parade Samantala, naging pansin-pansin din umano na wala si Krista sa float ng Wapakman sa ginawang parada ng mga kalahok na pelikula sa MMFF na nagsimula sa Mall of Asia at nagtapos sa Quirino Grandstand. Tanging sina Manny at Bianca King umano ang nasa sasakyan ng Wapakman, ayon kay entertainment reporter Audrey Carampel. Samantala, star studded naman ang float ng Ang Panday na kinabilangan nina Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., Philip Salvador, Iza Calzao, Geoff Eigenmann, Rhian Ramos at Buboy Villar. “Ang saya-saya. Nakikita natin ang mga tao na maligaya, nakikita natin na magiging masaya ang Pasko ng lahat," ayon sa senador. Dinumog din ang float ng Ang Darling Kong Aswang kung saan nakasakay sina Vic Sotto at Cristine Reyes. “Sa tingin ko mas marami itong ngayon kaysa last year. Kasi simula pa lang, dito pa lang starting point marami na tayong kababayan na narito. So it’s very exciting," deklara ni Vic. Inabangan din ang float ng Nobody, Nobody But Juan ni Dolphy. Kasama rin sa parade ang I love You Goodbye; Mano Po 6; at Shake Rattle and Roll. - Fidel Jimenez, GMANews.TV