Filtered By: Showbiz
Showbiz

Coming soon: Ang Panday 2


Dahil sa malaking tagumpay na nakuha ng Ang Panday, mismong ang bida nito na si Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., ang nagsiwalat na magkakaroon ng part 2 ang pelikulang tinanghal na Best Picture sa 2009 Metro Manila Film Festival (MMFF). Sa panayam ni entertainment reporter Lhat Santiago, sinabi ni Sen Bong na napag-usapan na ng mga taong nasa likod ng Panday ang paggawa ng part 2 ng pelikula na ipalalabas sa 2010. “Yung part 2 ng Panday in fact pinag-usapan na namin kagabi, so abangan n’yo meron kayong masisinagang Panday na papandayin pa sa 2010," pahayag ng senador sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. Sa katatapos na Awards Night ng MMFF nitong Lunes, pitong major parangalan ang hinakot ng Ang Panday. Kabilang dito ang best picture; best actor (Sen Bong); best supporting actor (Philip Salvador); best child performer (Bubuy Villar); at best effects (RIOT sa pamamahala ni Rico Gutierrez).
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Pagkatapos ng awards night, nagtungo ang mga cast at crew sa isang restaurant para sa kanilang get together at victory party na pinamahalaan ng GMA Films at Imus Production. Tuwang-tuwa si Sen Bong sa mga nakakamit umano niyang biyaya at pinasalamatan din niya ang entertainment press sa suportang ibinigay sa kanyang pelikula kaya naging matagumpay ito sa MMFF at takilya. “I’m still floating, nahirapan akong matulog kagabi parang hindi ako makapaniwala sa nangyayari sa buhay ko," pahayag ng actor-politician. Ayon kay Marlon Bautista, producer ng Imus Production, naging pangunahing pakay nila na gawing panglaban Ang Panday habang ginagawa pa lang ito. Dagdag naman ni Rowena Bautista-Mendiola, producer ng Imus Productions, “Sobra- sobra po kaming masaya dahil sa wakas ay nakuha na po namin ang matagal na naming dinadasal, at kumbaga ngayon lang nagbunga yung hirap naming magkakapatid." - Fidel Jimenez, GMANews.TV