Filtered By: Topstories
News

Nursing schools na mahina ang kalidad sa pagtuturo ipinapabisto


MANILA – Iginiit ng ilang mambabatas na panahon na para isapubliko ng Commission on Higher Education (CHED) ang pangalan ng 177 paaralan na nag-aalok ng kursong nursing ngunit mahina ang kalidad ng pagtuturo. Nitong Martes, sinabi nina Marikina City Rep. Marcelino Teodoro at Cibac party-list Rep. Joel Villanueva, na kailangang malaman ng mga magulang kung ano ang mga paaralan na hindi nila dapat i-enroll ang kanilang mga anak sa susunod na pasukan. Pinuna nila ang patuloy na pananahimik umano ni CHED chairman Emmanuel Angeles tungkol sa usapin ng mga tinatawag na substandard na paaralan na mistulang ginagawang gatasan lamang ang mga mag-aaral na nais makapagtapos ng kursong nursing. “We have to forewarn our parents about these inferior schools whose primary objective is to gain huge profits. Their names must be identified publicly as soon as possible," ayon kay Teodoro. Iginiit ni Teodoro na obligasyon ng CHED na tiyakin na nakakamit ang mataas na kalidad ng pagtuturo sa mga state universities and colleges (SUCs) at mga private higher education institutions (HEIs). Bukod sa malaking gastusin sa pagkuha ng kursong nursing, nagbabala rin si Villanueva na maaapektuhan ang kalidad ng mga Pinoy nurses kung patuloy na magsasawang-kibo ang CHED sa usapin ng substandard nursing program sa mga paaralan. “It is the mandate of CHED to ensure that no schools are using their institutions to abuse students and parents who have been paying big tuition by giving poor standard of learning," pahayag ni Villanueva. Iginiit nila na sapat na ang panahon na ibinigay ng CHED sa pagibibigay ng babala sa mga nursing school na itaas ang kalidad ng kanilang pagtuturo batay na rin sa resulta ng mga magdaang board exam kung saan walang pumasa sa kanilang mga mag-aaral. “Kung hindi kayang ipasara ng CHED, ilabas nila ang listahan ng mga pangalan ng mga school para maging aware ang mga magulang at estudyante," pahabol ni Villanueva. Una rito, sinabi ni Angeles na patuloy na sunusuri ng CHED ang datos tungkol sa 177 nursing school bago sila maglalabas ng kautusan upang alisin ang nursing program sa kanilang paaralan. - GMANews.TV