Filtered By: Showbiz
Showbiz

Snooky Serna on her mom’s passing: ‘I feel helpless’


Nagkuwento na si Snooky Serna sa pagpanaw nitong Miyerkules ng kanyang ina na si Mila Ocampo dahil sa karamdaman. Ayon sa aktres, masakit para sa kanya ang pagkawala ng ina na itinuturing niyang soul mate. Sa panayam ni entertainment reporter Audrey Carampel, sinabi ni Snooky na hanggang ngayon ay hirap pa rin siyang tanggapin na wala na ang kanya ina. Nasa tabi raw siya ng ina nang malagutan ito ng hininga. “I saw the whole thing. Makita mo yung nanay mo na naghihingalo, and you feel helpless. Gusto mong... kung maaari lang hingin ko yung sakit ng mommy ko na pinakamamahal ko," pahayag ni Snooky sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Para kay Snooky, perfect mother si Ms Mila na katulad niya ay isang aktres at naging dating beauty queen. Sumikat si Mila bilang artista noong 1950s sa LVN Pictures. Dito niya nakilala ang kanyang naging mister na si Von Serna, ama ni Snooky.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nang pasukin ni Snooky ang showbiz bilang child star, si Mila na ang naging manager ng kanyang anak. Nagkasama pa ang mag-ina sa movie na Twinkle Twinkle Little Star. “Si mommy kasi yung aking best friend, best critic, we’re like soul mate," ayon kay Snooky na umaasahang matatanggap din ang pagpanaw ng ina sa pamamagitan ng dasal. Ngayon pa lang umano pumapasok sa kanyang isipan ang katotohanan na wala na ang kanyang ina. “I’m trying, but definitely I will try my best, and I will make it thru prayers," anang aktres. Ilan pa sa pelikulang ginawa ni Mila ay ang Biyaya ng Lupa (1959), Alyas Palos (1961), Under-Age (1980), Zuma (1985), Sinungaling Mong Puso (1992), Paano Kung Wala Ka Na? (1997) at Dugo Sa Pantalan (1965) kung saan na-nominate siya sa kategoryang Best Actress sa Famas Awards. Pumanaw si Mila dakong 10:30 am noong Miyerkules dahil sa sakit na emphysema (sakit sa baga, na nagdudulot ng kakapusan sa paghinga). Nakalagak ang kanyang mga labi sa Holy Trinity Memorial Chapels sa Dr. A Santos Ave., Parañaque City. Iki-cremate ang kanyang mga labi sa Sabado (Jan 9). – Fidel Jimenez, GMANews.TV