Filtered By: Showbiz
Showbiz

Krista Ranillo answers rumors she’s pregnant


Matapos mamalagi sa US para doon ipagdiwang ang Kapaskuhan, bumalik na sa Pilipinas si Krista Ranillo at sinagot ang mga bagong intriga sa kanya tulad ng pagiging buntis dahil daw kay Manny Pacquiao. Kahit naipalabas na ang movie na “Wapakman" na pinagsamahan nina Manny at Krista, na entry Manni Film Festival (MMFF), hindi pa rin mamatay-matay ang intriga na nag-uugnay sa kanilang dalawa. May mga naghihinala na lumikha ng negatibong publisidad ang pagkaka-link ng dalawa kaya nangulelat sa box office ticket ng MMFF ang “Wapakman." Umalis ng bansa si Krista noong Disyembre patungong US kasama ang buo nitong pamilya para doon mag-Pasko at salubungin ang Bagong Taon. Subalit habang wala sa bansa, umugong naman ang mga balita na bago umalis ng Pilipinas ay nagpunta sa Cebu ang dalaga para magpa-check up. Batay sa mga lumabas na ulat sa ilang tabloid newspaper, sinabing nagpositibo raw ang resulta ng check-up at buntis ang aktres—at ang hinihinalang ama, ang tinaguriang Pambansang Kamao na si Manny. Sa episode ng entertainment show ng GMA 7 na StarTalk nitong Sabado, eksklusibo nilang nakapanayam si Krista nang dumating ng bansa noong umaga nang Enero 5 mula sa US. Sa tulong ng informant, nagawang mabantayan ng mga staff ng talk show ang arrival at departure area na posible umanong gamitin ni Krista sa pag-alis mula sa Ninoy Aquino International Airport.
Halos isang oras umanong naantala ang paglapag ng eroplano na sinakyan ni Krista mula sa US, at ilang minuto pang nanatili ang aktres sa immigration office nang dumating sa NAIA. At gaya ng tip ng informant, sa halip na sa arrival area, sa departure area lumabas si Krista na nag-iisa kasama lamang ang escort na ilang immigration employee. Bagaman medyo ilap, naging accommodating naman si Krista sa pagsagot sa tanong ng StarTalk tungkol sa mga intrigang lumabas habang wala siya sa Pilipinas. Totoo nga bang buntis siya at nagpa-check up sa Cebu? “Talaga?" nakangiting paunang tugon ni Krista. “Hindi, ‘di ba dito lang ako (sa Manila) the whole time (bago umalis patungong US). Dito lang ako nagti-taping, wala akong time pumunta sa Cebu." Ano naman ang katotohanan na binigyan daw siya ni Manny ng malaking halaga para gamiting puhunan sa negosyong itinayo sa US? “Talaga, anong negosyo?" nakangiting balik na tanong ni Krista sa staff ng StarTalk. “Ano raw (negosyo)? Kuwento mo sa akin ‘di ko alam e, anong negosyo?" Bago matapos ang ambush interview, magalang na sinabi ni Krista na, “Wala, thank you." – Fidel Jimenez, GMANews.TV

LOADING CONTENT