Filtered By: Topstories
News

Comelec: Higit 40,000 dalawang beses nagpatala para sa darating na halalan


Higit 40,000 botante ang napag-alamang nagpatala nang hindi bababa sa dalawang beses para sa halalan sa Mayo 2010 sa Calabarzon at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, ayon sa opisyal ng Commission on Elections (Comelec) noong Biyernes. Natuklasan ang doble at maramihang mga rehistradong botante sa pamamagitan ng biometrics at ng Automated Fingerprint Identification System (AFIS), ani Commissioner Rene Sarmiento sa mga mamamahayag, batay sa impormasyong natuklasan ng Information and Technology Department (ITD) ng Comelec. Hindi maaaring nagkamali lamang ang mga botanteng ito, at sadyang nagpaplano bumoto nang higit sa isang beses sa araw ng halalan, dagdag pa ni Sarmiento. “Wala nang iba, bakit ka pa nagparehistro ng multiple, this is very unusual," ani Sarmiento, at sinabing maraming mga nagpapatala ang sinubukan pang baguhin ang kanilang hitsura nang magpunta sila sa mga lugar ng pagpapatala. Hanggang noong Enero 5, 2010, umabot na sa 6,736,126 bilang ng rehistradong mga botante sa Calabarzon – na kumakatawan sa mga probinsya ng Cavite, Laguna, Lucena City, Batangas, Rizal at Quezon. Umabot naman sa 1,882,339 ang rehistradong mga botante sa ARMM, na binubuo ng mga probinsya ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-tawi. Kasama sa bilang na ito ang rehistradong mga botante sa mga lungsod ng Isabela at Cotabato. Malamang na tumaas pa ang mga bilang na ito, na ibinigay ng Election and Records Statistics Department ng Comelec, sapagkat tinatapos pa ng komisyon ang opisyal na listahan ng rehistradong mga botante. Mga nagpatala ng higit isang beses, kakasuhan Inatasan na sa pamamagitan ng isang Comelec en banc resolution ang ITD na alisin ang doble at maramihang mga rehistrado mula sa opisyal na talaan ng mga botante, ani Sarmiento. Maaaring alinman sa imbestigahan ng ahensya ang isyu at magsampa ng kaukulang mga kaso, o italaga ang Department of Justice na dinggin ang usapin, aniya. Gayunpaman, maaari pa ring bumoto ang naturang mga nagparehistro sa mga presinto kung saan sila unang nagpatala. “They can vote but without prejudice to the filing of appropriate charges…against them," aniya. “If there [is] double registration, the first registration will be valid, not the subsequent." Ang parusa para sa paglabag na ito ay isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo nang walang probation at panghabambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon, ani Sarmiento. Bilang ng mga botanteng nagparehistro nang higit isang beses, tataas pa Inaasahan ding tataas pa ang bilang ng mga nagparehistro nang higit isang beses, ayon kay Sarmiento, at sinabing sinisipat na ng Komisyon ang mga talaan ng lahat ng iba pang rehiyon sa bansa. “…[E]ven before the investigation of the four regions are finished, 43,000 double and multiple registrants have been already found…that means more will be discovered by the ITD," ani Sarmiento sa mga mamamahayag. Binalaan din ni Sarmiento ang mga nagkasala na matutuklasan din ang kanilang ginawa at sila ay mapaparusahan. “I think this discovery by the ITD is sending a strong signal to the registrants… to be very careful because we now have this technology to discover this anomaly and shenanigans," aniya. Nauna nang sinabi ng Comelec na lumabis na sa 50 milyon ang bilang ng rehistradong mga botante para ngayong 2010. Sinabi ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez na mayroong humigit-kumulang 50,086,054 rehistradong botante, hindi pa kasama ang 258,691 na nakapagpatala noong pahabain ang pagpapatala noong Disyembre 21, 22, 23, 28 at 29. Sa nakaraang halalan noong 2007, mayroon lamang 45,029,443 rehistradong botante. Sa kasalukuyan, mayroong 75,471 clustered precincts ang komisyon, ani Jimenez. Magkakaroon ng isang Precinct Count Optical Scan machine ang bawat clustered precinct, at ang bawat isang machine ay kayang makapagproseso ng hanggang sa 1,000 botante. -GMANews.TV