Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ka Freddie rails vs NBI over Jason Ivler's arrest


As of press time, hindi pa dinadalaw ni Freddie Aguilar sa Quirino Memorial Medical Center ang kanyang pamangkin na si Jason Ivler, ang suspect sa pagpatay kay Renato Victor Ebarle Jr., dahil sa isang road rage incident na nangyari noong nakaraang taon. Namatay si Ebarle Jr., anak ng isang Malacañang official, nang diumanong paputukan siya ni Jason ng baril dahil sa isang traffic altercation na naganap noong November 18, 2009. Ayon sa ilang mga ulat, naganap ang insidente sa Santolan Road, Quezon City. Ayon naman sa iba, sa Boni Serrano daw nangyari ito. Dalawang buwang naging subject ng manhunt si Jason hanggang mahuli siya sa loob ng kanyang tahanan sa Blue Ridge A Subdivision sa Quezon City nitong nakaraang January 18. Pero bago siya naaresto ay nagkaroon muna ng isang shootout kunsaan dalawang elemento ng National Bureau of Investigation (NB) ay nasugatan at malubha ring natamaan si Jason. QUESTIONS ABOUT ARREST. Sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa sikat na folk singer, sinabi ni Freddie na iniiwasan niyang puntahan sa ospital si Jason para hindi na lumaki ang isyu. Mahaba at may tensyon ang interview ng PEP kay Freddie dahil sa sama ng loob nito sa tingin niyang di magandang pagtrato sa kanyang pamilya ng agents ng NBI. "Sa unang araw pa lang na nagkaproblema ang pamangkin ko, hinarap ko na 'yon. Kung wala talagang kasalanan ang pamangkin ko, mas maganda na ipagtanggol ko sa korte kesa sa inabot niya ngayon, nasugatan siya. Maaring napatay siya doon at uulitin ko, sa demokrasya ba, lahat ng suspect ba, kailangan patayin? "Suspect sa carnapping, patay! Suspect sa bank robbery, patay! Suspect sa panghoholdap, patay! Kailangan ba nating patayin lahat ng suspect? Ano ba ang suspect? Pinagbibintangan. Kapag ang pinagbibintangan ba, pinatay na ninyo at namatay at pagkatapos mapatunayan na, ay, hindi pala siya ang gumawa, maibabalik pa ba natin ang buhay niya, kapag namatay na? "Wala akong ipinagtatanggol. Galit ako sa mga kriminal. Kung ang kriminal, napatunayan natin na kriminal, dapat merong parusa pero kung ang kriminal ay hindi pa natin napapatunayan na kriminal, sa proseso ng demokrasya, dapat bigyan natin siya ng araw sa hukuman. Ang sabi sa Ingles, innocent until proven guilty!" Itinanggi ni Freddie na alam nito ang pinagtaguan ni Jason noong pinaghahanap ito ng batas, at para patunayan na hindi siya kunsintidor, ikinuwento niya ang isang insidente na kinasangkutan ng kanyang kapatid, ilang taon na ang nakalilipas. WON'T TOLERATE WRONGDOING. "Meron akong kapatid na gumawa ng hindi maganda sa ating mga kababayan. Ako mismo ang nagpunta sa NBI. Kasama ko yung biktima ng kapatid ko at sinamahan ko ang biktima na 'yon sa NBI na sinabi ko sa NBI, 'Tol, 'eto ang biktima ng kapatid ko at ang tindi po ng kanyang mga ebidensya. Puwede ba natin siyang tulungan? "Pero, bago ako pumunta sa NBI, kinausap ko yung kapatid ko na hindi ko babanggitin ang pangalan. Ang sabi ko, 'Tol, may nagawa ka palang atraso. Ayusin mo ito kasi kapag hindi mo inayos ito, sasamahan ko ito sa NBI. "Ayaw niyang ayusin, hindi niya inayos ang problema. So, sinamahan ko yung biktima na 'yon na sa hanggang ngayon, hindi ko alam ang kanyang pangalan. Hindi ko natatandaan pero sinamahan ko siya. Taga-Pampanga siya. Kung nakikinig siya o kahit hindi siya nakikinig, ungkatin na lang natin ang records sa NBI. "Sa kalungkutan, sabi nila, 'Hindi namin puwedeng ipakulong ang kapatid mo kasi kulang sa ebidensya.' NO ADVICE FOR SISTER MARLENE AND JASON. Ayon kay Freddie, wala raw siyang puwedeng ipayo sa kapatid niyang si Marlene Aguilar-Pollard, ang ina ni Jason. "Wala akong plano. Kapatid ko man siya, hindi ko siya puwedeng saklawan. Natatandaan ninyo, ang tatay ko, ayaw niya ako na maging musikero. Pero naging musikero ako... "Hindi ko puwedeng saklawan kung ano ang gustong gawin ng kapatid ko. Kung ano ang gustong gawin ng kapatid ko, siya ang nanay ni Jason. Irespeto natin 'yon. "Wala, wala akong maibibigay na suporta sa pamangkin ko. Wala rin akong maibibigay na suporta sa kapatid ko. "Nandito ako bilang kapatid. Ang suporta ko diyan bilang kapatid, pero kung hindi ako susundin ng kapatid ko at ng pamangkin ko sa aking payo, wala akong magagawa... "Tayong mga magulang, ang papel natin sa mga anak natin, e mag-advise. Ang tanong ko ngayon, anak ko ba si Jason? "Pamangkin ko si Jason. Mahal na mahal ko si Jason. Ipaglalaban ko nang patayan si Jason dahil mahal ko siya, pero anak ko ba siya? Sa akin ba siya nakatira? Ako ba ang nagpalaki sa kanya?... "Sa akin lang, pangaral. Pangaral lang o guidance lang ang papel ng isang magulang, lalong-lalo na ang isang tito. Tito ako, e. Kung ang magulang guidance, ano ang tito? Siguro ang tito, e patalastas lang." PROTESTS MANNER OF ARREST. Nagbigay rin si Freddie ng kanyang opinyon na aniya'y mali ang pamamaraan ng NBI agents sa pagdakip kay Jason. "Kung ikaw ba, meron kang darakpin na merong armas at merong ilalaban sa iyo, di ba dapat ang mga kasama mo sa TV, e poprotektahan mo? "Unang-una, dapat may kasama ka na ambulansya, may kasama kang doktor at kung sakali man na may masaktan, merong mag-aampat ng karampatang first aid doon sa mga madidisgrasya. "Sabi nila, yung pamangkin ko raw armed and dangerous... Di ba, sabi nila? O ngayon, armed and dangerous ang pamangkin ko, ano ang dapat gawin ng isang hustisya? Anong dapat? May kasama kang ambulansya, may kasama kang doktor at ang gagawin ba ng hustisya, e barilin agad natin ito? "Pagbabarilin natin kahit hindi natin nakikita ang binabaril natin? Kung ako naman sa kanila, di ba meron tayong tear gas? Nasa basement yung pamangkin ko, ano ba naman yung batuhin natin siya ng tear gas? "Kahit na sinong tao, normal na tao, hindi makakatagal sa tear gas, hindi makakahinga at lalabas pa 'yan nakataas ang kamay! Walang masasaktan, walang babaril! "Nakita ba ninyo kung paano binaril ng NBI yung pamangkin ko? Nakita niyo? Walang nakikita, papapapang-pang! Ganoon ba ang mga awtoridad natin? Di ba nagte-training ang mga 'yan? Kung paano tapusin ang isang krimen, tapusin ang isang hostage operation o tapusin ang isang pangyayari? "Ano ba ang sinasabi diyan sa engagement of war? Dapat ba nating patayin 'yang hayup na 'yan na may armas? Kung tayo yung awtoridad? "Di ba dapat hulihin natin nang buhay 'yan at nang malaman natin kung ano ang pinanggagalingan ng krimen na 'yan? MESSAGE TO NBI AND EVERYONE. "Eto lang ang masasabi ko, hindi lang sa NBI. Sa lahat ng nangyayari sa ating bayan. Suspect sa carnapping, patay! Suspect sa bank robbery, patay! Suspect sa ganito, patay! Suspect sa ganoon, patay! Suspect sa ganyan, patay! "Nasaan na tayo ngayon? Paano kung yung suspect na 'yon hindi siya ang may kagagawan, e, patay na! Maibabalik pa ba natin ang buhay ng patay na 'yan! "Ang pinakamasakit na nababasa ko sa diyaryo, Aguilar residence... Para bang sinasabi nila na si Jason nakatira sa bahay ko. Hindi po. May sariling bahay po si Jason at mas maganda po ang bahay ng pamangkin ko at ng kapatid kong si Marlene Aguilar compared sa bahay ko. "Ako po ay nakatira sa squatters area sa New Manila, 7th Street, QC. So, huwag po naman nilang palabasin na Aguilar residence. Parang sinasabi nila na andito lahat ang mga Aguilar sa bahay na ito. "Bakit? Bakit kayo ganyan? Bakit ninyo sinisira ang pangalan ko? Natatakot ba kayo sa akin? Bakit? Wala akong itinatago! "Si Freddie Aguilar lamang ako. Kumakanta ng katotohanan at wala akong balak na maging senador, maging congressman, at maging presidente ng Pilipinas. Wala po. Wala po akong pangarap na ganyan! UNDER SURVEILLANCE. "Mula nang maging suspect ang pamangkin ko, sinusundan na kami ng mga awtoridad. Pati dito, nag-iimbestiga sila sa amin. "Ni-raid nila ang bahay ko sa New Manila nang wala silang karampatang kasulatan para mag-raid sila doon at, hindi ito biro, may kasamang telebisyon noon nang ni-raid nila ang bahay ko." Nilusob ng pulis ang bahay ni Freddie noong November 21, 2009, sa hinalang baka doon nagtatago si Jason. "Ang tanong ko ngayon, puwede ba tayong mag-rewind? Meron ba talagang papeles na puwedeng mag-raid ang NBI sa bahay ko nang araw na 'yon? Gusto kong makita yung papeles na 'yon. Gusto kong ibalik sa kanila yung tanong. "Nandoon kayo sa bahay ko sa New Manila. Lahat ng mga tao doon, tinakot ninyo, tinutukan ninyo ng baril. Pati mga batang walang kamuwang-muwang, natakot sa inyong lahat. "Maraming nakatira sa bahay ko. Kung gusto ninyong malaman puwede kayong bumalik. Kayong lahat, pumunta kayo sa New Manila ngayon. "Makikita ninyo na yung compound ko, ang daming nakatirang tao doon. Yung mga mahihirap doon na dinemolish yung bahay at hindi na makabalik sa kanilang tahanan, inampon ko sila sa compound ko sa New Manila. "Nilusob kami ng NBI nang wala silang karampatang papeles dahil sabi ng anak kong bunso, 'Tay, yung ipinakita sa 'yong warrant ay nakalagay doon, Blue Ridge!'" Sa araw ding 'yon ay ni-raid ang bahay na tinitirhan ni Jason kasama ang kanyang inang si Marlene at stepfather na si Stephen Pollard, isang opisyal ng Asian Development Bank. "Ngayon, ang tanong ko ngayon sa ating hustisya, yun bang warrant sa Blue Ridge ay puwedeng gamitin sa bahay ko sa New Manila? "Hindi tayo puwedeng mapadali. Ngayon, hawak pa ng hustisya yung pamangkin ko. Walang shortcut sa batas. Nahawakan na ng hustisya yung pamangkin ko. Hihintayin ko na matapos ang proseso.Walang shortcut ang batas. Kung merong gustong mag-shortcut ng batas, tarantado ka, walang shortcut ang batas. Akala mo lang, meron. Walaaa!" - Philippine Entertainment Portal