Filtered By: Topstories
News

Isiniwalat ni Enrile na panunuhol ni Villar pinagdududahan


MANILA – ‘Dapat pa bang paniwalaan ang tao na minsan ng umamin na pineke niya ang sariling ambush noong panahon ng martial law? Ito ang tanong ng ilang militanteng kongresista kaugnay sa alegasyon ni Senate President Juan Ponce Enrile na tinangka siyang suhulan ni Sen Manny Villar kaugnay ng ginagawang imbestigasyon sa C-5 road project. Sa isang media forum sa Quezon City nitong Miyerkules, sinabi nina Bayan Muna Reps. Teodoro Casiño at Neri Colmenares, na kaduda-duda ang kredibilidad ni Enrile na minsan umamin na pineke niya ang pag-ambush sa sarili para bigyan katwiran ang pagpapatupad ng batas militar noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos. “Si Enrile may sinasabi na bribery, may sinabi sa kanya si Villar na sa kanyang interpretation ay ‘yun ay bribery, that is the question kung kanino ka maniniwala, ‘well, you should remember that Enrile faked his own ambush to justify martial law, so that speaks of his of credibility," ayon kay Casiño. Idinagdag ng kongresista na ang naturang pag-uusap nina Enrile at Villar ay batay lamang sa sariling “interpretasyon" ng lider ng Senado at hindi tuwirang pag-aalok ng suhol.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kinuwestiyon din ni Colmenares kung bakit ngayon lang isiniwalat ni Enrile ang naturang panunuhol kung totoong naganap ang kanilang pag-uusap noong pang nakaraang taon. “It violates the requirements of professionalism and ethical standard. You should not be biased and you should be fair. That is required to public officials. So dapat nabanggit na n’ya ‘yun noon pa," ayon sa kongresista. Si Enrile ay kandidatong senador sa darating na halalan sa Mayo sa ilalim ng partido ni dating Pangulong Joseph Estrada. Samantala, guest candidate naman ni Villar sa Nacionalista Party bilang senador si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo. Bagaman inamin ni Villar na nagkausap sila ni Enrile - na normal na proseso umano sa mga senador - itinanggi niya na inalok niya ng kahit anong tulong ang lider ng Senado. Iginiit ni Villar na taktika ng kanyang mga kalaban sa pulitika ang muling pagbuhay sa C-5 project matapos lumabas ang pinakabagong survey kung saan malaki ang kanyang itinaas. Dismayado rin si Casiño sa paraan ng papresinta ni Enrile sa committee report tungkol sa ginawang imbestigasyon sa C-5 road project dahil nabahiran na ito ng pulitika at batuhan ng putik ng mga kakandidato sa darating na eleksiyon. “Dapat they should stick with the issue, but lumalabas ngayon ay na muddle ang issue, now umabot na sa batuhan ng putik," aniya. “Ang inaantay na lang namin sana maging healthy at informative ang debate at discussion, tirahan ng tirahan at may mga dagdag na issue na wala naman sa report para palabasin ang mas malakas na issue." Idinagdag naman ni Romblon Rep Jesus Madrona na mas marami ang nagawa at naipasang panukalang batas ng Kamara de Representantes kaysa sa Senado dahil sa labis na pamumulitika umano ng mga senador. Hindi umano magtataka ang kongresista kung patuloy na pagbagsak ng approval rating ng Senado sa ilalim ng liderato ni Enrile kumpara noong panahon ng pamumuno ni Villar bilang Senate President. - GMANews.TV
LOADING CONTENT