Filtered By: Showbiz
Showbiz

Celebrities caught in ‘political’ crossfire


Hindi lang ang mga kandidato ang naiintriga tuwing panahon ng halalan kundi maging ang mga artistang nag-eendorso at sumasama sa kampanya. Malaki ang naitutulong sa kandidato ng mga artista kapag eleksiyon dahil sila ang panghatak sa mga tao upang puntahan ang kanilang mga political rally. Ngunit kapalit ng kanilang suporta ang mga intriga katulad ng umano’y milyong-milyon kinikita nila mula sa kandidato. Sa ulat ni entertainment Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, iginiit ni Lorna Tolentino na walang perang pinag-usapan sa pagsama niya sa kampanya ni dating Pangulong Joseph Estrada. Matalik na kaibigan ng pumanaw na asawa ni Lorna na si Rudy Fernandez si Sen Jinggoy Estrada, kandidatong senador sa partido ni Erap. “Yung friendship kasi namin parang pamilya na e. Yung ginawang pagmamahal at pagmamalasakit nila ni Presidente Erap, ni Jinggoy kay Rudy before sobra- sobrang patunay na yun na naging parte kami ng pamilya nila," pahayag ni Lorna.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Bukod kay Lorna, sumusuporta rin kay Erap ang iba pang artista katulad nina Eddie Garcia, Bayani Agbayani, Faith Cuneta at Eddie Gutierrez. Samantala, nasa kampo naman ni Sen Manny Villar sina Sarah Geronimo, Michael V at comedy king Dolphy. Ayon kay Sarah matagal na siyang inaalok na maging endorser ni Villar pero pinag-isipan muna nilang mabuti ng kanyang manager ang naturang bagay. “Alam ko po na malaki ang kakayanan ni Sen Villar na iagat, na maiahon ang ating bansa, yun ho, hindi na…napag-usapan na ni Boss Vic (na) go na ‘to," paliwanag niya. Sa simula ng kampanya ni Villar sa Laguna noong Martes, nandoon sina Alyssa Alano, Edgar Mortis, Raymund Gutierrez, Valerie Concepcion, Yeng Constantino, April Boy Regino, Lito Camo at Willie Revillame. May mga kumakalat na intriga na P30 milyon daw ang ibinayad kay Dolphy para iendorso si Villar, habang P20 milyon at house and lot umano ang nakuha ni Sarah. Ang naturang intriga ay mariing itinanggi ni Villar. Aniya, nagkataon na pawang mga artistang katulad niya na galing sa hirap ang mga nag-eendorso sa kanya. “Ang nag-eendorso sa akin galing sa hirap kaya nakaka-relate sa akin kaya mas madali yung intindihan," ayon sa senador na dating tindero na naging bilyunaryo. Sa kampanya ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III, bukod sa kapatid na si Kris, nasa kampo rin niya sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Dingdong Dantes at Marian Rivera. Sa rally ni Noynoy sa Tarlac, kasama niya si Coco Martin. Samantala, sina Moymoy Palaboy at Aiza Siguera naman ang kasamang artista sa kampanya ni Sen Richard Gordon. Ang kampo naman ni administration bet Gilbert “Gibo" Teodoro, hindi na kumuha ng celebrity endorsers. Kasi naman, kasama na sa kanyang line up ang mga bigating artista katulad ni Edu Manzano (vice presidential candidate) at mga senatorial bets na sina Sens Bong Revilla at Lito Lapid. - Fidel Jimenez, GMANews.TV