Filtered By: Topstories
News

Pag-endorso ng mga religious group sa kandidato iginagalang ng Simbahang Katoliko


MANILA – Tulad ng ibang Pilipino, karapatan umano ng mga lider ng iba’t-ibang religious group na mag-endorso ng kandidato na nais nilang suportahan sa halalan, ayon sa isang obispo ng Simbahang Katoliko. Gayunman, nilinaw ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, na hindi nangangahulugan na suportado rin ng Simbahang Katoliko ang kandidatong susuportahan ng ibang grupong pang-relihiyon. “That’s their right. Who are we to prevent them. Karapatan nila yun, Protestante na mag-endorse sila, yung Iglesia ni Cristo… yung sa atin e, it’s just to respect what we’ve been upholding yung ating pinairal na yung Catholic Church hindi partisan," paliwanag ng Obispo sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules. Nitong mga nakaraang araw, nililigawan ng mga presidential candidates ang suporta ng iba’t-ibang religious group katulad ng El Shaddai ni Bro Mike Velarde at Kingdom of Jesus Christ (KJC) ni Apollo “Pastor Q" Quiboloy. Ayon kay Ongtioco, nananatiling walang papanigan ang Simbahan sa mga kandidato pero patuloy silang magbibigay ng gabay sa publiko kung ano ang katangian na dapat hanapin sa mga taong nagnanais na magsilbi sa bansa. “Kami naman we give criteria, guidelines para makapagpili ng mas maayos yung mga nagboboto. Halimbawa yung integrity, competence, character yung mga maganda. Sana hindi tayo mabulag sa pera o anumang patronage system dahil kumpare, kakilala," pahayag ng obispo. Magtika sa Mahal na Araw Pinayuhan din ni Ongtioco ang mga kandidato at botante na huwag kalimutang magtika ngayong panahon ng Kuwaresma upang sariwain ang mga pagsasakripisyo ni Kristo. “Bilang alagad ni Kristo, ipinagpatuloy natin ang misyon ni Kristo na pagpapairal ng katwiran, matuwid maka-Diyos na pamumuhay. Kaya sa mga botante pumili tayo sa mga kandidato na makakatulong para makamit ang pagbabago na gusto nating matupad kung tayo ay muling bumabalik sa Diyos," aniya. Sa hiwalay na panayam sa Radio Veritas, idinagdag ni Calapan, Oriental Mindoro Bishop Warlito Cajandig, na ang pagtitika ngayong Mahal na Araw ay hindi lamang para sa pag-iwas sa pagkain ng karne. Sinabi ng obispo na maaari ring magtika ang mga pulitiko sa pamamagitan ng pag-iwas sa labis na paghahangad sa kapangyarihan ngayong darating na halalan. “Fasting and abstinence would only be of help if our Catholics are really form and inform about it. In fact this abstinence and fasting could revolutionize our society, politicians could abstain from running anew because some of them have been in power for so many many years," payo niya. Isa umano sa problema ng lipunan ay mga pulitiko na nagiging ganid sa kapangyarihan at ayaw nagbigay-daan sa mga mas batang nais maglingkod sa bansa. - GMANews.TV