Filtered by: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor nominated for Best Asian Actress


Kabilang ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor sa 30 nominado sa kategoryang 10 Best Asian Actresses of the Decade para sa 2010 Green Globe Film Awards sa US. Kasama ni Nora sa mga pinagpipilian sa pamamagitan ng online voting ang mga sikat na aktres sa Asya na karamihan ay mula sa China, Japan at Korea. Bukod sa kategoryang 10 Best Asian Actresses of the Decade, ang iba pang parangal na paglalabanan sa 2010 Green Globe Awards na pagpupugay sa Asian entertainment scene ay Best Asian Film of the Decade, Asian Cultural Ambassador of the Decade, Best International Entertainer from Asia, Best International Actor/Actress from Asia, Best International Film from Asia, at iba pa. Ang kategorya para sa Asian entertainment ay hiwalay naman sa parangal para sa film industry ng US kung saan nominado bilang Best Picture ang Avatar, Blind Side, Hurt Locker, Invictus at Up in the Air. Nominado naman sa Best Actor category ng US entertainment scene sina Jeff Bridges (Crazy Heart); George Clooney (Up in the Air); Matt Damon (The Informant); Robert Downey Jr. (Sherlock Homes) at Morgan Freeman (Invictus). Sa Best Actress category, nominado sina Sandra Bullock (The Blind Side); Helen Mirre (The Last Station); Carey Mulligan (An Education); Gaboury Sidibe (Precious) at Meryl Streep (Julie and Julie). Bagaman walang pangalan ng Pilipino na nominado sa iba pang kategorya para sa Asian entertainment, maaari pa ring iboto ang mga hinahangaang aktor, aktres, direktor at maging ang paboritong pelikula na gawa ng Pinoy. Ang online o Internet voting ay tatagal hanggang sa Marso 5, 2010, at ihahayag ang mga nanalo sa Marso 23 sa Los Angeles, USA. Ang Green Globe Awards ay itinuturing largest film award program sa Hollywood. Noong Nobyembre 2008, hinirang bilang Best Asia-Pacific Film of all Time ng CNN ang pelikulang Himala na pinagbidahan ni Nora, sa direksiyon ni Ishmael Bernal. Tinalo ng Himala sa on-line voting ang Crouching Tiger, Hidden Dragon mula sa China; The Seven Samurai ng Japan; Gabbeh ng Iran; Gallipoli ng Australia; Pather Panchali ng India; Spirited Away ng Japan; Oldboy ng South Korea; Infernal Affairs ng Hong Kong/China; at Chungking Express ng China. - GMANews.TV
Tags: noraaunor, himala
LOADING CONTENT