Filtered By: Topstories
News

Villar sa trust rating ng Reader’s Digest: ‘Di ako nagbabasa nun’


Hindi umano nababahala si Nacionalista Party (NP) presidential bet Manny Villar sa nakuha nitong mababang trust rating sa babasahing Reader’s Digest, kumpara sa nakuhang marka ng mahigpit niyang katunggali na si Liberal Party standard-bearer Sen. Benigno “Noynoy" Aquino III. “Hindi ko iniintindi ‘yan kasi ‘di ako nagbabasa niyang Reader’s Digest," sagot ni Villar nang tanungin ng media matapos makapuwesto lang siya sa pang-60 sa mga pinagkakatiwalaang personalidad sa Pilipinas batay sa isinagawang survey ng international magazine. Ang resulta ng Reader’ Digest ay malayo sa pinakahuling survey na ginawa ng Pulse Asia nitong Enero 22-26 kung saan nanguna si Villar sa mga kandidatong pangulo na pinakapinagkakatiwalaan ng publiko. Kasama rin sa mga pulitiko na nakakuha ng mataas na marka sa Reader’s Digest ay sina Batangas Gov. Vilma Santos-Recto, LP Vice-Presidential bet Sen. Mar Roxas, Manila Mayor Alfredo Lim at Davao City Mayor Rudy Duterte. Nasa top 5 naman si Aquino, anak ni dating pangulong Cory Aquino. Mataas din ang pagtitiwala ng mga mambabasa kina Rosa Rosal, presidente ng Philippine Red Cross; singer/actress Lea Salonga; journalist Jessica Soho; at Gawad Kalinga founder Tony Meloto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinabi ni Villar hindi siya masyadong naapektuhan sa survey ng babasahin dahil wala itong kinalaman sa pulitika at gaganaping halalan sa Mayo. Tutukan ang mga nasa tent city Samantala, nanawagan si Villar sa mga lokal na opisyal sa Rosales na bilisan ang pagtapos sa housing project para sa mga nasalanta ng bagyong Pepeng noong nakaraang taon na nakatira pansamantala sa “tent city" sa Barangay San Pedro West. Sa pagbisita ng mga kandidato ng NP sa pangunguna ni Villar, nakita nito ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga residente na nagtitiis sa mga barung-barong sa ilalim ng init ng araw. Ilan umano sa mga bata ang nagkakasakit na rin dahil na rin sa epekto ng El Nino phenomenon. “Nararamdaman na namin ang El Nino dito, kaya marami nang nagkakasakit kaya every two days may health workers na nagpupunta dito sa amin upang manggamot. Minsan, pinapupunta kami sa Rosales para magpatingin sa doktor," ayon kay Salve Guitierrez, lider ng mahigit 380 pamilya na nakatira sa Tent City. Sinabi ni Villar na kinausap niya ang opisyal ng pamahalang lokal sa Rosales sa pangunguna nina Rep. Conrado Estrella at Mayor Ricardo Riveta upang pag-aaralan ang sitwasyon ng pamilyang nakatira sa Tent City kung paano sila matutulungan. - GMANews.TV