Filtered By: Topstories
News

Vote rich Cebu nahati kina Villar at Gibo


Matapos mahati ang suporta ng pamilya ng mga Garcia sa Cebu at Zubiri sa Bukidnon, tiniyak ni Nacionalista Party presidential candidate Sen. Manny Villar na marami pang lokal na opisyal na kaanib ng ibang partido ang lilipat ng suporta sa kanya habang papalapit ang May elections. Ginawa ni Villar ang pahayag nitong Huwebes nang makapanayam ng media matapos lumabas ang ulat na nagsanib ng puwersa ang NP at One Cebu – ang pinakamalaking lokal na partido sa Cebu. Kinumpirma ni Villar ang naturang alyansa ay pagbato sa kanya ng suporta ni Cebu Mayoralty candidate Alvin Garcia. Hindi naman sinabi ni Villar kung nakuha na rin niya ang suporta ni Cebu Gov. Gwen Garcia at ama nito na si Cebu Rep. Pablo Garcia. Naunang nagpahayag ng sumuporta si Gov Garcia kay administration presidential bet Gilberto “Gibo" Teodoro. Inaasahang magsisilbing “kompirmasyon" kung mananatili kay Teodoro ang suporta ni Gov Garcia sa gagawing kick-off rally ng mga lokal na kandidato sa Biyernes. Ang Cebu ang sinasabing naging kritikal sa pagkapanalo ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2004 presidential elections nang maghatid ito ng mahigit isang milyong boto. “Inaasahan natin na sa ganitong pagkakataon ay mamimili ang mg local officials kung saan sila tunay na sasama. Normal ‘yan, nangyayari ‘yan sa mga nakaraang eleksiyon at ang eleksiyon ngayon ay hindi naiiba," paliwanag ni Villar. Kamakailan ay nahati rin ang mga Zubiri ng Bukidnon nang iendorso ni Gov. Jose Maria Zubiri si Villar, habang nanatiling tapat kay Teodoro ang anak nitong si Sen Juan Miguel Zubiri. Ayon kay Villar, mayroon pang mga lokal na opisyal na nakasama niya sa Kamara de Representantes noong kongresista pa siya at mga kaibigang mambabatas ng kanya maybahay na si Las Pinas Rep Cynthia Villar ang magbibigay ng suporta sa kanyang kandidatura. “Matagal naming naging kasama ang mga ‘yan, matagal ang aming pinagsamahan. Kung sila ay sumasang-ayon sa aming layunin na tapusin ang kahirapan, sasama sila sa atin" ayon kay Villar. Bukod sa mga kasapi ng Lakas-Kampi-CMD, sinabi ni Villar na mayroon din silang ibang kausap mula sa Liberal Party na posibleng lumipat sa NP bago dumating ang halalan – o lihim na susuporta sa kanya. “Marami pa pero siyempre mas marami sa Lakas dahil ‘yan ang pinakamalaking partido," paliwanag niya. - GMANews.TV