Filtered By: Showbiz
Showbiz

Francine Prieto recalls mom Amelia Falcon’s last moments


Nakasuot ng puting damit at namamaga pa ang mga mata ni Francine Prieto nang makapanayam ng Startalk nitong Sabado para ilahad ang mga huling sandali ng kanyang ina na si Gng Amelia Falcon na pumanaw nitong Biyernes sa sakit na cancer. Sa panayam ng Startalk host na si Butch Francisco, inamin ni Francine na tutol siya sa kagustuhan ng ina na magpakabit ng “pigtail" o catheter para maalis ang naipong tubig sa baga nito na epekto ng isinagawang chemotherapy ng ina na may cancer sa ovary. “Naiinis lang ako sa kanya kasi ang tigas ng ulo n’ya. Actually dapat nung isang araw pa ginawa (pagdala sa ospital) pero sinabi ko sa kanya na, 'mommy ‘wag ka nang magpalagay ng ganun kasi delikado, ganyan…ganyan," pahayag ni Francine sa Arlington Memorial Chapel sa Araneta, Quezon City kung saan nakalagak ang mga labi ng kanyang ina. “Sabi n’ya nahihirapan daw siya, nagtatalo kaming dalawa kaya pina-cancel ko yung pagpapalagay kasi baka me mangyari sa momy ko... ako yung sisihin kasi nga hindi kami nagkakaunawaan. Tapos finally nga nakapag-schedule nga kahapon tapos yung nabigay sa kanya, yun yung dahilan kaya siya nawala," patuloy ng aktres. Bago dalhin sa ospital, sinabi ni Francine na matigas na ang tiyan ng kanyang ina dahil sa naiipong tubig sa lungs nito. Halos isang buwan na rin umanong dumadaing ng sakit si Gng Falcon. “Tanging paraan na nga lang para mawala yung fluid n’ya sa lung yung pigtail yung catheter sa lungs. Yun po ang nilagay sa kanya dun na siya bumigay, ang bilis lang po ng nangyari," patuloy na kuwento ni Francine kay Butch.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Hindi na lang sana nagising Bagaman handa naman umano si Francine na tanggapin ang katotohanan anuman ang mangyari sa ina, ang hindi raw matanggap ng aktres ay makitang naghirap pa ito sa dinadalang sakit na natuklasan noon lang May 2009. “Nakita ko po siya kahapon alam ko nahihirapan na siya. Okey alam ko dun din siya tutungo, alam ko na dadami yung fluid, hindi na siya makakahinga. Nung makita ko yung nanay ko kahapon na nahihirapan pa siya ng sobra bago siya nawala, yun ‘yong masakit e. Sana hindi na nangyari yun, sana hindi na lang siya nagising mas okey pa," pahayag ng aktres. Sinabi rin ni Francine na nadasalan ng mga pari ang kanyang ina habang nagpapagamot ito. Kasama sa mga nagdasal kay Gng Falcon ay ang kilalang healing priest na si Fr Suarez. Nakapangumpisal din umano ang kanyang ina habang nasa ospital. Huling pag-uusap Naghihinayang din umano ang aktres dahil hindi sila nagkaroon ng kanyang ina ng pormal na pag-uusap bago ito binawian ng buhay. Tanging sa text lang daw sa cellphone sila nakapag-usap ng kanyang ina. “Tinext ko lang siya kahapon sabi ko mommy good luck sa operation nyo, I love you," ayon kay Francine. Hindi naman daw binubura ng aktres ang huling text ng ina sa kanyang cellphone. “Nagtatalo kami sa pigtail yun last message nya: ‘nagpapasalamat ako na binigyan ako ng Diyos na anak na katulad mo,’ me sermon na kasama," pahabol pa ni Francine. Nire-revive na umano ng mga duktor si Gng Falcon nang maabutan ni Francine kaya wala na siyang pagkakataon na makapagpaalam sa ina. Mensahe at pasasalamat Sa kabila nang mga pangyayari, tanggap na ni Francine ang pagkawala ng ina dahil makakapagpahinga na ito at hindi na makakaramdam ng sakit. Lubos din ang pasasalamat ng aktres sa mga taong nagdasal sa paggaling at nagbigay ng pinansiyal na tulong para sa pagpapagamot sa ina kahit hindi nila kilala. “Sa lahat ng tumulong gusto ko pa ring pasalamatan sila. Hindi man para sa gumaling si mommy ngayon tahimik na po siya, happy na po siya," ayon kay Francine. "Sa mga nagdasal, sa mga bumisita, nag-share ng pagmamahal, concerns, maraming salamat po. Sa lahat ng nakiramay, sa mga tumulong ang laking bagay po ng nagawa n'yo para sa pamilya ko." Dahil ulila na silang lubos sa magulang, sinabi ng aktres na siya na ang tatayong tatay at nanay sa kanyang mga kapatid. Itutuloy pa rin umano nito ang plano na ibenta ang kanilang bahay at hahanap na lamang ng mas maliit na matitirhan. At dahil hindi nagkaroon ng pagkakataon na makausap ni Francine ang ina bago pumanaw, tinanong ni Butch kung ano ang mensahe na nais niyang ipaabot sa mahal na ina. “Mommy kung nasaan ka man, kung naririnig mo ko ngayon sorry po sa lahat ng kasalanan ko sa inyo. Alam nyo naman po na gusto ko lang gumaling kayo," ayon sa aktres. “Maraming-maraming salamat po sa lahat ng sacrifices n’yo para aming magkakapatid. Alam ko po kung gaano n’yo kami kamahal, gaano n’yo kami bineybe lahat kahit malaki na kami. Maraming-marami salamat po mommy, mahal na mahal ka po namin. Sana po kahit wala ka sa amin sana bantayan n’yo pa rin kami. Sana po kayo na ang maging guardian angel namin kasama ni Daddy," umiiyak na mensahe ni Francine sa ina. – Fidel Jimenez, GMANews.TV

LOADING CONTENT