Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ma Venus Raj can reclaim Bb. Pilipinas Universe title if…


Kung magagawa ang kondisyon na hinihingi ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI), maaaring mabawi ni Ma Venus Raj ang tinanggal na titulo sa kanya bilang Bb. Pilipinas-Universe. Sa isang pahayag na ipinalabas nitong Sabado, sinabi ng BPCI na "for humanitarian reasons" ay bibigyan nila ng pagkakataon si Ma Venus na mabawi ang kanyang titulong napanalunan noong nakaraan buwan kung makakakuha ito ng balidong Philippine passport. "We have reassessed the situation pertaining to Miss Maria Venus Raj and have decided, for humanitarian reasons, that if she is able to obtain a valid Philippine passport, we will reinstate her as the reigning Bb. Pilipinas-Universe," ayon sa BPCI. Tinanggal ng BPCI noong nakaraang linggo ang titulo ni Ma Venus, tubong Camarines Sur, dahil hindi umano magkakatugma ang detalye sa kanyang birth certificate. Ipinasa ng BPCI ang korona sa Bb Pilipinas-Universe sa 2nd runner-up na si Helen Nicolette Henson. Sa mga naunang pahayag, sinabi ni Ma Venus na batid umano ng BPCI na sa simula pa lang ay may problema na sa kanyang birth record pero hindi umano niya ito inilihim.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa programang Wish Ko Lang ng GMA 7 nitong Sabado, ipinakita ang payak na pamumuhay ng pamilya ni Ma Venus sa lalawigan. Sinabi ng dalaga na ipagpapatuloy niya ang kanyang paglaban para mabawi ang korona para sa kanyang pamilya. Lumabas naman sa ulat ng PEP (Philippine Entertainment Portal), inamin ni Ma Venus na nasaktan siya nang kausapin siya ng lawyers ng BCPI at ilahad na tila wala na talaga siyang choice but to give up the crown. "Ang masakit kasi is nung sinabi nila sa akin na whether I resign or they will dethrone me. So, wala talaga akong choice, di ba? Noong marinig ko yun, doon na talaga ako umiyak. Sobrang hindi ko po maintindihan yung reasons nila," pahayag ni Ma Venus. Inamin ni Ma Venus on television na noong high school pa siya nang malaman niya ang tungkol sa discrepancies sa kanyang birth certificate. Aniya, mas inuna kasi ng nanay niya ang ipapakain sa kanilang magkakapatid kaysa gastusan ang pagpapaayos sa birth certificate niya. Ang kaso ni Ma Venus ay umani ng suporta sa iba’t-ibang grupo kabilang na ang ilang pulitiko at maging si Chairperson Leilia De Lima ng Commission on Human Rights. Sa hiwalay na ulat ng GMA news 24 Oras nitong Sabado, nagpaabot ng pasasalamat si Ma Venus sa BPCI sa pagkakataon na ibinigay sa kanya na mabawi ang kanyang korona. Pinasalamatan din niya ang mga taong nagpahayag ng sumuporta sa kanyang ipinaglaban. - Fidel Jimenez, GMANews.TV