Filtered by: Topstories
News

Hirit ng NP: Mga dati at kasalukuyang opisyal ni Arroyo pasok sa Noynoy gov’t


MANILA –Pinasaringan ng Nacionalista Party nitong Sabado ang Liberal Party na mga dati at kasalukuyang opisyal ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang posibleng maging miyembro ng Gabinete ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III. Ang patutsada ng NP ay tila sagot sa patuloy na alegasyon kay NP presidential bet Sen Manny Villar na lihim itong kandidato ni Gng Arroyo sa darating na halalan sa Mayo 10. Ayon sa NP, mistulang Arroyo government din umano ang magiging administrasyon ni Aquino kapag nanalo dahil sa mga personalidad na maaaring maging miyembro ng Gabinete nito. Sinasabing kasama sa listahan ng kandidatong Gabinete ni Aquino ang isang mataas na opisyal ngayon ng Department of Transportation and Communications, at dalawang lokal na opisyal na kapwa kadidato rin ngayong halalan. Hindi naman mawawala ang mga dating opisyal ni Arroyo na kumalas sa kanyang gobyerno noong kainitan ng iskandalo ng “Hello Garci" noong 2005 na kamuntik nang maging dahilan ng pagbagsak ng pangulo. “Majority, if not all of them, are in Aquino’s inner circle, helping him out in his presidential campaign," ayon sa pahayag. “This is proof that Aquino is already thinking of holding the highest position in the land when the election is still a month away. How can he do this when he has yet to prove that he will win the election?" banat ng NP. Kabilang sa tinukoy ng NP na opisyal ng Arroyo government na nasa kampo na ni Aquino ay sina incumbent DOTC Undersecretary Thomson Lantion; Alaminos City Mayor Hernani Braganza, (reelectionist); at North Cotabato Vice Gov. Emmanuel Piñol. Kasama din sina dating Defense Secretary Avelino “Nonong" Cruz; dating Education Secretary Florencio “Butch" Abad; dating Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman; at Ed Gana na ilalagay umano sa Department of Agriculture. Tinukoy pa sa pahayag sina dating Economic Planning Secretary Ralph Recto, (kandidatong senador); Makati Business Club’s Ramon del Rosario; Leah Navarro ng Black and White Movement; at dating Pangasinan Gov. Victor Agbayani. Nauna nang inusisa ng NP ang pananatili sa Arroyo government ng ilang kamag-anak ni Aquino katulad ng kanyang mga tiyahin na sina Lupita Kashiwahara at dating Sen Tessie Aquino-Oreta. Hinihinala ng mga political observer na ang pag-uugnay kay Villar bilang lihim na kandidato umano ni Arroyo ang dahilan kaya bumaba ito sa mga pinakahuling survey. – GMANews.TV
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
LOADING CONTENT