Filtered By: Topstories
News

Gibo biktima rin daw ng black propaganda


Tinawag ni administration presidential candidate Gilberto “Gibo" Teodoro Jr. na “act of desperation" umano ng kanyang mga kalaban ang ipinapakalat na black propaganda na aatras siya sa panguluhan halalan. Sa panayam ng media nitong Martes, muling nanindigan si Teodoro na tatapusin niya ang karera sa panguluhan sa Mayo 10 at kumpiyansa na siya ang mananalo. “Alam n’yo ‘di ako kakalas sa laban na ito. That’s a sign of desperation," pahayag ni Teodoro na nagsabing sapat ang nakukuha niyang suporta kay Pangulong Gloria Arroyo, at mga kasapi ng Lakas-Kampi-CMD para maipanalo ang laban. Binale-wala rin ng pambato ng administrasyon ang mga naglalabasang survey kung saan lumilitaw na nanatili itong nasa malayong ika-apat na puwesto na may pinakamataas na rating na 8 percent. “Matagal ko ng sinasabi ‘yan, di ako naniniwala sa surveys, sa kanila na lang ‘yan. Basta ako sa mga pinunpuntahan ko kasama ang suporta ng governors, vice governors, congressmen, mayors, vice mayors, barangay captains at iba pa, dito kami umaasa," aniya. Tungkol sa mga ulat na nauubos na ang miyembro ng Lakas-Kampi at lumilipat ng suporta sa ibang kandidato partikular kay Nacionalista Party standard bearer Sen Manny Villar, sinabi ni Teodoro na kasama umano ito sa black propaganda ng kanyang mga “desperadong" kalaban. “Ninenerbyos sila kaya pini-play-up nila ang mga defection. Pini-play-up nila kasi natatakot sila. Nakikita nila ang outpouring ng support, sa Negros, Cebu, Bicol, Misamis, Cagayan de Oro at iba pa. They’re scared so they have to result to this. Sign of wishful thinking or desperation," pasaring ng dating kalihim ng defense department.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kakalas o hindi Nitong Lunes, iniulat ang posibilidad na kakalas sa Lakas-Kampi-CMD si Speaker Prospero Nograles Jr. kasama ang tinatayang 30 mambabatas dahil umano sa pagkadismaya sa kasalukuyang pamunuan ng partido. Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Nograles na hindi niya iiwan ang kanyang partido ngunit posibleng sumuporta umano sa ibang kandidatong pangulo ang mga katulad niyang “senior members" ng administrasyon. “I have talked with many leaders and members of the party and they still want to save the party from disintegration and re-group so that it firm up its position as the country’s biggest political party," ayon kay Nograles, kandidatong alkalde sa Davao City. Inamin ng kongresista na marami umano ang nadisyama kay Teodoro nang bigla itong magbitiw bilang lider ng partido at mistulang inabandona ang mga kasapi sa harap ng umiinit na labanan sa halalan. “Enough is enough. Gibo must shape up – address the grievances of Lakas members, recover their confidence, motivate the party – or he ships out of the party," pay okay Teodoro ni Nograles, dating presidente ng Lakas bago nakipagsanib sa Kampi. Kabilang umano sa mga malalaking pangalan sa Lakas-Kampi na kumalas at lumipat ng ibang sinuportahan ay sina Surigao del Norte Gov. Robert Ace Barbers; Davao del Norte Rodolfo del Rosario; dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson; Bukidnon Governor Jose Zubiri; Davao del Sur Governor Douglas Ra. Cagas; Compostela Valley Governor Arthur Chiongkee Uy; Davao Oriental Governor Corazon Malanyaon; Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales III, at Caloocan City Mayor Enrico Echiverri. Maliban kina del Rosario, Echiverri at Gonzales na lumipat ng suporta kay Liberal Party standard bearer Sen Benigno “Noynoy" Aquino III, ang iba pang pangalan na nabanggit ay sumama kay Villar. Pinayuhan din ni Nograles ni Teodoro na baguhin ang prayoridad at taktika ng kampanya kung nais nitong makahabol at manalo sa darating na halalan. Nauna nang sinabi ni Teodoro na kahit noon pa ay hindi niya naramdaman ang suporta sa kanya ni Nograles kaya inaasahan umano nito kung ibang kandidato ang dalhin sa darating na eleksiyon. Inihayag naman ni dating press secretary Mike Toledo, tagapagsalita ni Teodoro, na ang demolisyon laban sa pambato ng administrasyon ay patunay na seryosong banta pa rin ang dating kalihim sa ibang kandidato. “For someone who is supposed to be out of the running, it is funny how he has lately been the target of one demolition job after another," ayon kay Toledo. “It only shows that contrary to what certain self-styled pollsters and political analysts are saying, Gibo’s campaign has been on an upward trajectory and rival camps are getting freaked out to the point of concocting rumors and intrigues." - GMANews.TV