Filtered By: Topstories
News

Erap camp inakusahan si Villar na ginipit ang PSE kaya kumita ng bilyones


MANILA – Inakusahan ng kampo ni dating pangulong Joseph Estrada ang kanilang katunggali sa panguluhang halalan na si Senador Manny Villar na ginipit ang Philippines Stock Exchange (PSE) noong 2007 para maibenta ang shares of stocks ng kanyang kumpanya sa merkado. Ipinatawag na press conference nina Estrada at Senate President Juan Ponce Enrile nitong Huwebes, sinabing kumita ang kumpanya ni Villar na Vista Land and Lifescapes, Inc. sa naturang ilegal na transaksiyon ng P26 bilyon. Sa naturang kita kinuha umano ni Villar ang ginagastos nito sa kampanya na aabot sa P5 bilyon bilang kandidatong pangulo ng Nacionalista Party sa darating na halalan sa Mayo 10. Batay sa mga survey, lumilitaw na mahigpit na naglalaban sa panguluhan sina Villar, Estrada, Liberal Party presidential bet Sen Benigno "Noynoy" Aquino III, at administration standard bearer Gilberto "Gibo" Teodoro. Ayon kay Enrile, nakipagpulong umano si Villar sa miyembro ng board ng Philippine Stock Exchange noong 2007 at ginipit ang mga opisyal upang luwagan para sa kanyang kumpanya ang tinatawag na “lock-up rule" para maibenta sa merkado ang mga sapi sa Vista Land and Lifescapes, Inc. Sa ilalim ng naturang patakaran, ang mga shareholder ng kumpanya na nagmamay-ari ng hanggang ika-sampung bahagi ng kumpanya ay hindi maaaring magbenta ng kanyang mga sapi sa loob ng anim na buwan. Dahil umano sa panghihimasok ni Villar, nagawang makalusot ng kumpanya nito sa 180-day lock-up period, ayon kay Enrile, na siya ring nanguna sa imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole tungkol sa C-5 road project na umano’y pinakinabangan din ni Villar. Si Enrile ay tagasuporta ni Estrada na napatalsik sa puwesto noong 2001 dahil sa People Power revolution dahil sa alegasyon ng katiwalian. Nakinabang umano ang dating pangulo sa manipulasyon ng bentahan ng stocks ng BW Resources na itinanggi naman niya. ‘Di na nagulat Kaagad na pinabulaanan ni NP senatorial bet Adel Tamano ang alegasyon ng kampo ni Estrada at tinawag niyang panibagong black propaganda laban kay Villar. “We are committed to running a positive campaign. Let’s forget the personal attacks and mudslinging and focus on our platforms and qualifications so the voters can choose wisely," pahayag ni Tamano sa ipinadalang text message sa GMANews.TV. Si Tamano ang dating tagapagsalita ng Genuine Opposition (GO), na pinamunuan ni Estrada bago ito lumipat sa kampo ni Villar noong nakaraang taon para tumakbong senador. Sinabi ni Tamano na nakahanda ang mga abogado ni Villar para sagutin ang mga bagong paninira sa kanilang kandidato. Nitong Miyerkules, sinabi ni Villar na inaasahan na niya lalo pa siyang pag-iinitan ng kanyang mga kalaban habang papalapit na ang halalan. Ngunit mas nais niyang ipreserba na lamang ang kanyang lakas sa pag-iikot sa mga lalawigan para makuha ang boto ng mga tao kaysa sagutin ang mga wala raw basehang akusasyon. — GMANews.TV