Filtered By: Topstories
News

Katunggali ni Vilma Santos sa Batangas pumanaw matapos ma-heatstroke


Tuluyang pumanaw nitong Martes si dating Batangas governor Armando Sanchez isang araw matapos siyang isugod sa ospital makaraang mawalan ng malay habang nangangampanya sa ilalim ng init ng araw. Sa breaking news ng GMA News 24 Oras nitong Martes ng gabi, iniulat na binawian ng buhay si Sanchez sa Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City. Mismong si Dr. Isagani Bolompo, family doctor ng mga Sanchez, at nagsisilbing tagapagsalita ng pagamutan ang nagkumpirma sa pagpanaw ng dating gobernador. Sinabi sa ospital na brain hemorrhage o pagdurugo sa utak ang naging sanhi ng pagkamatay ni Sanchez. Nais sana ni Sanchez, kandidatong gobernador ng Nacionalista Party (NP), na makabalik sa kapitolyo ng Batangas sa darating na halalan sa Mayo 10, na pinamumunuan ngayon ni Gov. Santos-Recto, asawa ni dating Sen Ralph Recto ng Liberal Party (LP).
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nakaupong gobernador si Sanchez nang una silang maglaban ni Santos-Recto sa posisyon sa kapitolyo noong 2007 elections kung saan nanaig ang tinaguriang “star for all season." Isinugod sa ospital bago magtanghalian nitong Lunes si Sanchez makaraang mahilo at tuluyang mawalan ng malay matapos mangampanya. Sa ospital ay idineklara siyang “semi-comatose" at binigyan lamang ng mga duktor ng "five to ten percent survival rate." Noong Hunyo 2006, pinasabugan ang sasakyan ni Sanchez habang nakaparada sa tapat ng kapitalyo ng Batangas. Malubhang nasugatan si Sanchez, habang dalawang tauhan niya ang nasawi. Pangunahing suspek sa pagpapasabog si dating Batangas Vice Governor Richard Recto, bayaw ni Gov. Santos-Recto. Mariing itinanggi ng dating bise gobernador na may kinalaman siya nangyaring insidente. - GMANews.TV