Filtered By: Topstories
News

Nat’l, local elections ‘wag pagsabayin - Gibo


MAYANTOC, Tarlac – Dahil sa mahabang listahan ng mga kandidato, iminungkahi ni administration presidential candidate Gilberto “Gibo" Teodoro Jr. na sa susunod ay makabubuting huwag nang pagsabayin ang halalan sa lokal at pambansang posisyon. Aminado si Teodoro, bumoto sa kanyang lalawigan sa Tarlac nitong Lunes, na nahirapan siya sa pagmarka sa balota dahil sa haba ng listahan ng mga kandidato na pagpipilian at maliit na bilog na kailangang markahan. “Mahirap makita ang bilog, tapos kailangang mag-ingat ka ng husto na mai-shoot lahat, maliliit ang bilog," kuwento ni Teodoro sa media na tumatagtak ang pawis dahil sa init ng panahon matapos niyang bumoto. “Kung ganito ang klase ng voting sa susunod, palagay ko huwag synchronize ang voting sa local at national elections para mas kaunti ang pangalan sa balota, mas malalaki ang space," paliwanag niya. Sa mga kandidato pa lang sa national positions, umaabot na sa 266 ang listahan ng mga kandidato na kinabibilang ng presidente (10 kandidato), bise presidente (8), senador (61), at party-list group (187). Hindi pa kasama rito ang listahan ng mga kandidato sa lokal na posisyon na kinabibilangan ng mga gobernador, bise gobernador, alkalde, bise alkalde, mga konsehal at miyembro ng sangguniang panlalawigan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa kabila ng usapin sa mahabang listahan ng mga kandidato, nagawang tapusin ni Teodoro ang kanyang paboto sa loob ng limang minuto. Pagkatapos nito, sinabi ni Teodoro na susubaybayan na lamang niya ang resulta ng bilangan, kasabay ng panawagan sa publiko na maging mapagmatyag sa dayaan na maaaring maganap. Sakaling manalo, sinabi ng pambato ng administrasyon na kaagad niyang iaalok ang kamay ng pagkakaisa sa iba’t ibang partido para matutukan ang mga problema ng bansa. “Bubuuin muna natin ang gobyerno tsaka hihikayat na tayo ng national reconciliation. Wala naman tayong itinanim na masamang sibuyas eh," ani Teodoro na naunang nagpahayag na hindi siya tatanggap ng posisyon sa Gabinete kapag natalo siya sa halalan. Bagaman kumpiyansa na mananalo siya sa kanyang distrito sa Tarlac, inaasahan naman niya na mahahati ang mahigit 600,00 boto sa buong lalawigan sa pagitan nila ng kanyang pinsan na si Liberal Party presidential bet Benigno “Noynoy" Aquino III na dati ring kongresista sa lalawigan. - GMANews.TV
LOADING CONTENT