Filtered By: Showbiz
Showbiz

Celebs in 2010 polls: Whose stars shine on ballots?


Mahigit isang daan ang mga celebrities na sumabak sa katatapos na halalan nitong Mayo 10. Kaninong mga bituin kaya ang nagningning sa balota? Narito ang ilan sa mga celebrities na namamayagpag sa bilangan ng mga boto sa unofficial count ng GMA Network batay sa mga pumapasok na election returns (ERs) mula sa mga presinto. Halos tiyak na ang pagbabalik sa Senado nina Senador Ramon “Bong" Revilla Jr. at Jinggoy Estrada, at dating Senador Tito Sotto. Samantala, nakakapit naman sa ika-11 puwesto sa bilangan ng mga boto si Senador Lito Lapid. Balik din bilang gobernador ng Batangas ang 'Star for All Seasons' na si Vilma Santos. Malakas naman ang tsansang maging gobernador ng Laguna si Emilio Ejercito o mas kilala bilang George Estregan Jr.

Nakalalamang naman sa bilangan ng boto sa posisyon ng bise gobernador sa Bulacan si Daniel Fernando na kamuntik nang madiskuwalipika ng Commission on Elections. Halos tiyak na rin na tatawaging “Congressman Pacman" si Pinoy boxing icon Manny Pacquiao sa lalawigan ng Sarangani, gayundin ang maybahay ni Richard Gomez na si Lucy Torres-Gomez sa 4th district ng Leyte. Lumalamang din sa bilangan ng boto sa ikalawang distrito sa Cavite bilang kongresista si Lani Mercado-Revilla, asawa ni Sen Bong Revilla. Balik din sa Kongreso ang dating aktor na si Dan Fernandez bilang kinatawan sa first district ng Laguna. Noong nakaraang taon, pinatalsik ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) si Fernandez matapos idiskuwalipika dahil sa usapin ng residency. Ngunit binaliktad ng Korte Suprema ang naturang desisyon ng HRET. Nagwagi naman bilang board member sa Batangas (4th District) si Christopher de Leon, habang sa lalawigan ng Quezon namayani si Gary Estrada. Tagumpay din sina Teri Onor sa 1st district ng Bataan, at seksing si Angelica Jones sa 3rd district ng Laguna. Nakasisiguro naman si Herbert Baustista sa pag-upo bilang bagong alkalde ng Quezon City. Nanalo rin sa bilangan ng balota at malaki ang tsansang maging konsehal sa lungsod sina Alfred Vargas, Roderick Paulate at Precious Hipolito. Sa Manila, muling namayagpag bilang bise alkalde si Isko Moreno, kasama ang mga konsehal na sina Lou Veloso at Robert Ortega. Nakalalamang din sa bilangan ng boto para maging konsehal sa Caloocan City si Marjorie Barretto. Ganoon din sina Roselle Nava at Val Sotto sa Paranaque; at Maybelyn dela Cruz sa Dagupan. May pag-asa ring makapasok sa winning circle bilang konsehal sina Monsour del Rosario sa Makati at Ryan Yllana sa Parañaque. Sa isinagawang pagsaliksik ng GMA News Research, 16 sa 109 celebrities na tumakbo sa katatapos na May 2010 elections ay umaasinta sa pambansang posisyon.
Malamlam ang bituin Kung may mga bituin na nagningning sa kauna-unahang automated elections, mayroon ding mga artista na hindi pinapalad sa nagaganap na bilangan. Nasa malayong pangalawa si dating pangulong Joseph Estrada sa bilangan ng mga boto sa posisyon ng presidente, kung saan nangunguna si Sen Benigno Aquino III. Nakapuwesto naman sa malayong pang-apat ang pangalan ni Edu Manzano sa posisyon bilang bise presidente. Pangatlo lang sa labanan sa pagka-gobernador sa lalawigan ng Bohol ang action star na si Cesar Montano. Malabo na ring manalo sa pagka-bise alkalde ng Quezon City si Aiko Melendez, gayundin si Joey Marquez na nagbalak na bumalik bilang alkalde sa lungsod ng Paranque. Nasa pangalawang puwesto naman sa labanan ng pagka-bise gobernador ng Nueva Ecija si Rommel Padilla. Ganito rin ang sitwasyon ni Anjo Yllana na tumatakbong bise-alkalde ng Paranaque. Patungo na rin sa kabiguan ang kampanya ni Tito Varela na tumatakbong kongresista sa Caloocan City, at maging si Jestoni Alarcon sa ikalawang distrito ng Rizal. Bigo rin sa kampanya para maging kongresista sa Siquijor si Dingdong Avanzado. Ganoon din si Jobelle Salvador na kumandidatong vice-mayor sa Makati, at pang-apat lang kay Rico Puno na namimiligro ring matalo sa nasabing posisyon. Hindi rin pinalad sina Ara Mina, Arnell Ignacio, Jaime Fabregas, John Lesaca, at Ogie Diaz na pawang tumakbong konsehal sa Quezon City. – FRJ/YA, GMANews.TV